259 total views
Malaki ang maitutulong ng Simbahang Katolika upang magkaloob ng mga intervention sa pagpapatatag ng pamilya ng mga Overseas Filipino Workers.
Ito ang inihayag ni Msgr. Jerry Bitoon, Vicar General ng Diocese of San Pablo, Laguna kaugnay sa isinagawang national event sa diyosesis para sa 32nd National Migrants’ Sunday.
Ayon sa Pari, hindi sapat na ipagdasal lamang ang kapakanan ng mga OFW sa halip ay dapat na gumawa ng kongkretong aksyon at intervention sa iba pang mga suliraning kinahaharap ng OFW family tulad ng regular na family counseling sa mga naiwang mahal sa buhay ng mga ito.
“Hindi lang tayo ‘ipagdasal natin ang mga migrants’ hindi sapat yung dasal lang there should be more action, of course kaalintabay nung panalangin and one of the actions precisely in which the Church will be ask yun ang ating strength ay yung intervention, family counseling pero hindi lamang occational pero its going to be like an ongoing things…” pahayag ni Msgr. Bitoon sa panayam sa Radyo Veritas.
Inihayag ni Msgr. Bitoon na ang matagal na pagkawalay sa isang kapamilya o mahal sa buhay ay kadalasang nagdudulot ng pagkakaroon ng distansya sa mga miyembro ng pamilya hindi lamang sa usaping pang-pisikal kundi maging pang-emosyunal ng mag-asawa.
Dahil dito naniniwala ang Pari na malaki ang magagawa ng Simbahan upang maging sandigan ng pamilya ng mga OFW sa pamamagitan ng mga intervention at paggabay kung saan kabilang rin ito sa mga naging panawagan at hamon ni St. John Paul the 2nd sa mga taong Simbahan bilang mga eksperto sa humanity.
Pinangunahan ni Balanga Bataan Bishop Ruperto Santos, Chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People ang naging pagdiriwang ng Simbahan sa 32nd National Migrants’ Sunday na dinaluhan ng nasa 600 delegado mula sa iba’t ibang diyosesis.
Batay sa tala ng kumisyon may tinatayang aabot sa 10-milyon ang mga OFW sa iba’t ibang bansa ngunit karamihan ay matatagpuan sa United Arab Emirates, Saudi Arabia, Qatar, Hong Kong at Kuwait.
Taong 1987 ng idineklara ng Catholic Bishop Conference of the Philippines (CBCP) ang unang araw ng Linggo ng Kwaresma bilang National Migrants Sunday bilang pagkilala at paggalang sa mga sakripisyo at kabayanihan ng mga OFW at kanilang mga naiwang mahal sa buhay.