222 total views
March 16, 2020, 11:10AM
Nilinaw ni Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo na hindi isinara sa publiko ang mga simbahan sa bansa partikular sa National Capital Region.
Tiniyak ni Bishop Pabillo na maaring magtungo sa mga simbahan ang mga Filipino upang makapagdasal at makapagnilay ngunit mahigpit na ibinilin ang pagsunod sa mga ipinatutupad na protocols mula sa Department of Health.
“Hindi naman natin sinasara ang mga Simbahan; bukas ang simbhana pwede silang makadalaw basta keep ang social distance,”pahayag ni Bishop Pabillo sa Radio Veritas.
Ipinaliwanag ng Obispo pansamantalang kinansela ng mga simbahan ang mga Banal na Misa upang maiwasan ang malakihang pagtitipon na posibleng isa sa mga dahilan ng pagkalat ng corona virus disease 2019.
Hamon ng mga pastol ng simbahan ang palakasin ang pakikipag-ugnayan sa publiko gamit ang modernong teknolohiya at gamitin ito upang maihatid sa publiko ang Banal na Eukaristiya habang hinimok ang mamamayan na tanggapin ang komunyong espiritwal.
“Palakasin ng simbahan ang presensya sa social media at maging available tayo sa mga nangangailangan,” saad ni Bishop Pabillo.
Ang tugon ng Obispo ay makaraang ipinag-utos ng Kanyang Kabanalan Francisco sa mga pari sa Roma na buksan ang simbahan sa kabila ng ipinatupad na lockdown ng Italya dulot ng COVID 19.
Nangangamba ang Santo Papa na abandunahin ng mananampalataya ang simbahang Katoliko sa tila pagtalikod nito sa gitna ng krisis sa pamayanan.
Dahil dito hinimok ni Bishop Pabillo ang mga parokya na kalingain ang sinumang lalapit upang humingi ng tulong espiritwal at ipakita ang pagiging maaruga ng Inang Simbahan sa mga anak na humihiling ng paglingap at pagsunod sa misyon ni Kristo.
“Dapat ang mga prokya ay manatiling bukas sa mga taong gustong papasok, at ang ating kaparian ay nanatiling open sa mga taong gustong lumapit, makipag-usap at mangumpisal,” saad ni Bishop Pabillo.
Batay sa pastoral statement na inilabas ng Arkidiyosesis ng Maynila, kanselado na ang mga pagtitipon ng simbahan maging ang mga gawain sa Semana Santa alinsunod sa napagkasunduan ng mga obispo sa National Capital Region kung saan nagmula ang karamihan sa higit isandaang positibong kaso ng COVID 19.
Read: https://www.veritas846.ph/pastoral-statement-of-the-bishops-of-metro-manila/