422 total views
Mananatiling kalakbay ang simbahan ng mga biktima ng karahasan partikular ang mga naulila dahil sa tokhang o kampanya laban sa illegal na droga ng pamahalaan.
Ito ang tiniyak ni Fr. Danny Pilario, dean ng Saint Vincent School of Theology.
“Mahirap po, pero kapag nakikita naming kayo na nagsisikap na mabuhay, kami po ay nabibigyan din ng pagasa. Kaya tuloy lang po tayo, ang simbahan po ay kasama ninyo. Kami po ay makikilakbay sapagkat alam namin. Hindi lamang ngayong Pasko kundi sa araw-araw na pamumuhay,” ang bahagi ng homiliya ni Fr. Pilario.
Ayon pa kay Fr. Pilario sa isinagawang ‘Pagtitipon sa Pasko ng mga Balo’t Ulila’ na ginanap sa Sanctuario de San Vicente de Paul sa Quezon City – mananatili ang pagtulong ng simbahan lalu’t karamihan sa mga naulila at balo ng mga biktima ng tokhang ay nagpapatuloy sa kanilang pagbangon sa kabila ng karahasan.
“Lahat po kayo ay nagsisikap na mabuhay sa kabila ng karahasan. At ngayon patuloy pa rin ang pagpatay. Tinanggal na sa PNP, ngayon ibinalik na naman. Hindi ako magtataka kung sa susunod na buwan may patay na biktima na naman tulad ng inyong mga asawa,” ayon kay Fr. Pilario
Ayon kay Fr. Pilario, higit sa 100 ang biktima ng tokhang sa Payatas na karaniwang natatagpuan sa paanan ng bundok ng basura.
Stop the Killings!
Ito ang patuloy na panawagan ng may higit sa 100 pamilya na nabalo at naulila ng mga nabiktima ng Tokhang.
Bitbit ng bawat pamilya sa prusisyon sa labas ng simbahan ang larawan ng kanilang mga namayapang mahal sa buhay na pinatay dahil sa hinalang may kinalaman ang mga ito sa ilegal na droga.
Panawagan ng bawat pamilya ang mahinto na ang mga pagpaslang at manaig ang katarungan sa mga pagpatay.
Kabilang sa mga dumalo ang mga pamilya ng biktima ng tokhang mula sa Caloocan, Quezon City, Manila at maging sa Bulacan.
Sa misang isiganawa sa St. Vincent De Paul Parish, nag-alay ng mga bulaklak ang mga kaanak matapos ang misa.
Base sa ulat, higit sa 13,000 ng mga hinihinalang pusher at adik ang napatay, kabilang na dito ang higit sa 3,000 napaslang dahil sa police drug operations.