185 total views
Anim na pamilya ng mga biktima ng extra judicial killings (EJK) ang nakiisa sa isinagawang ‘Round Table Discussion’ sa San Ildefonso Parish, Navotas ng Diocese ng Caloocan.
Ang talakayan ang pinanguhan ng parish priest na si Fr. Bong Hino sa pakikipagtulungan na rin ng special Ministry of the Word at Mother Butlers Guild ng parokya.
Ang hakbang ay bilang bahagi ng pakikiisa ng simbahan ppara sa paghihilom at pagtulong sa mga naulila ng mga napatay na iniuugnay sa ilegal na droga.
“Dapat ang simbahan ay dumamay sa pamilya nitong mga biktima na ito kasi bahagi sila ng aming parokya, bahagi sila ng responsibilidad naming. Sapagkat hindi naman natapos ang kuwento noong napatay ang mga taong ito. May mga mahal sila sa buhay mga anak, asawa na nawalan ng tagapagtaguyod kaya bilang pamayanan, bilang simbahan nakikita naming responsibilidad ng simbahan na tulungan ang mga anak lalung lalu na sa larangan ng pag-aaral o edukasyon. At ganun din ang kanilang naulilang asawa,” ayon kay Fr. Hino.
Layunin din ng pag-uusap na mahikayat ang pamilya na iwaksi na ang ilegal na droga; mahikayat na mailapit sa Panginoon at maging aktibo sa mga gawaing simbahan.
Nagkaroon din ng pagkakataon ang mga naulilang pamilya na makaharap at makausap si Caloocan Bishop Pablo Virgilio David upang ikuwento ang kanilang mga karanasan sa pagkawala ng kanilang mga mahal sa buhay.
Si Bishop David ay kilala sa patuloy nitong pagkondena sa kabi-kabilang patayan sa mga hinihinalang pusher at adik maging ito man ay kagagawan ng mga di kilalang salarin o napaslang sa police operations dahil sa ‘panlalaban’.
Ang programa ng San Ildefonso Parish ay kaugnay na rin ng pagdiriwang ng kanilang ika-25 kapistahan ng kanilang patron at bahagi ng pagninilay na makita ang gawain ng simbahan para sa pamayanan bilang lingkod ng maralita at tagapag-hatid ng Mabuting Balita.