186 total views
Ikinababahala na ng Simbahang Katolika ang tumataas na bilang ng Marawi evacuees na namatay sa may 68 evacuation centers sa Lanao del Sur, Cagayan de Oro at Iligan city bunsod ng iba’t-ibang karamdaman.
Base sa monitoring ng Department of Health, umabot sa 59-evacuees mula sa kabuuang 20,627 na bakwits ang namatay sa mga evacuation center bunsod ng dehydration, upper respiratory diseases at diarrhea.
Kaugnay nito, magsasagawa ng pagpupulong ang iba’t-ibang institusyon ng Simbahang Katolika katuwang ang Diocese of Iligan upang mapag-isa at mas mapabilis ang ginagawang pagtulong sa mga Internally Displaced Persons mula Marawi bukas ika-25 ng Hulyo, 2017.
Sa pangunguna ng Caritas Manila at Radyo Veritas 846, tatalakayin ng grupo ang kasalukuyang sitwasyon ng mga ‘bakwits’ at pag-aaralan kung paano mas magiging epektibo ang ginagawang pagtulong ng Simbahang Katolika upang hindi na madagdagan ang bilang ng mga nasawi.
Matapos makapagpadala ng 1-milyong pisong cash assistance sa Diocese ng Ilagan, layon ng Caritas Manila at Radyo Veritas na pagtuunan ng pansin ang iba pang pangangailangan ng mga apektadong residente lalo na’t maaring pang magtagal ang pananatili ng mga ito sa mga evacuation centers.
Inaasahang dadalo sa pagpupulong ang Archdiocese of Cagayan De Oro at Obispo ng Prelatura ng Marawi na si Bishop Edwin Dela Peña, na siyang nakakasakop sa lugar kung saan mismong nagaganap ang kaguluhan.
Nakikipag-ugnayan na rin ang Disaster Communication Program ng Radyo Veritas sa ilang indibidwal at grupo na siya namang eksperto sa bahagi ng Psycho-Social Intervention lalo na’t isa ito sa mga nakikita ng Diocese of Iligan na kailangang bigyan pansin.
“Nakikita natin yung pangangailangan sa psycho-social intervention sa mga adults naman lalo na nagtatagal sila sa mga evacuation camps, karamihan dito [intervention] ay more on sa mga bata at kababaihan”.pahayag ni Fe Salimbangon, Social Action Coordinator ng Diocese of Iligan sa panayam ng Radio Veritas.
Kaugnay nito, umaasa si Fr. Ricardo Valencia, Priest Minister ng Disater Risk Reduction and Response Unit ng Caritas Manila na mapapa-igting ng Simbahan ang pagkilos na ginagawa nito sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos at pagbabahagi ng resources.
“Kailangan natin magtulong-tulong upang mas maging ganap ang pagkilos na ginagawa ng Simbahan”. Ani Fr. Valencia.
Magugunitang una ng inihayag ng Caritas Philippines na umabot na sa P10-milyong piso ang tulong na naibahagi ng ilang mga institusyon ng Simbahang Katolika para sa mga bakwits mula Marawi.
Sa datos ng Office of Civil Defense, tinatayang mahigit sa 102 libong Pamilya o mahigit sa 460 libong indibidwal ang nagsilikas dahil sa kaguluhan sa Marawi.