287 total views
Nakikiisa ang Catholic Bishop’s Conference of the Philippines Episcopal Commission on Health Care sa ipinagdiriwang na Mental Health Month.
Ayon kay Rev. Fr. Dan Cancino – Executive Secretary ng komisyon, ang mental health month ay nakatulong upang maipakita ang pagpapahalaga ng komunidad sa mga taong dumaranas ng mental health illness.
Bukod dito, sinabi ng Pari ang kahalagahan na mapataas ang kamalayan ng taumbayan kung paano maiwasan ang pagkakaroon ng hindi malusog na kaisipan.
“Nakikiisa ang simbahan sa pagdiriwang ng ating Mental Health Month. Kung titingnan natin ang pinaka magandang dinulot ng Mental Health Month ay ang pagbibigay importansya, pagpapahalaga, at increase sa awareness na ang ating kalusugan ay hindi lamang nafofocus doon sa kalusugan ng iba’t ibang mga organs ng ating katawan, part and parcel noong total well-being ng tao ay yung mental health, kalusugang pang kaisipan,” pahayag ni Fr. Cancino sa Radyo Veritas
Kaugnay dito, nababahala ang Pari na marami sa mga Filipino, partikular na sa mga kabataan ang nalulugmok sa depresyon at labis na pag-aalala.
Sinabi nito na ang depresyon ang nakikita niyang dahilan kung bakit nalululong sa masamang bisyo ang isang indibidwal.
Paliwanag ni Fr. Cancino nais ng isang taong may depresyon na matakasan ang kanilang problema sa pamilya o sa lipunan kaya naman gumagamit ito ng bawal na gamot upang makaramdam ng kasiyahan.
“Marami sa ating mga kabataan ang naaapektuhan nung hindi magandang kalusugan na pangkaisipan. Kadalasan ang mga tao ngayon ay napupunta sa depression, napupunta sa deep anxiety, at yung depression at anxiety pwede yong mag breed sa paggamit ng mga pinagbabawal na gamot para maiwasan yung malaking problema sa pamilya o malaking problema sa lipunan,” dagdag pa ng Pari.
Dagdag pa ni Fr. Cancino isang salik din sa pagkalulong ng isang tao sa iligal na droga ang udyok ng kanyang mga kaibigan.
Gayunman, naniniwala itong kung may maayos na pag-iisip ang isang tao ay kaya nitong piliin ang tama sa mali, at tukuyin kung ano ang moral sa imoral.
Sa pag-aaral ng World Health Organization, nangunguna ang Pilipinas sa Southeast Asia na may pinakamaraming bilang ng dumaranas ng depresyon na umaabot sa 4 na milyon.
Naitala naman ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA ang 4.7milyong drug users sa bansa.
Una nang inihayag ng Kanyang Kabanalan Francisco na ang pagkalulong sa ipinagbabawal na gamot ay isang bagong anyo ng pang-aalipin at isang sugat sa lipunan na dapat sugpuin sa pamamagitan ng edukasyon at rehabilitasyon.