211 total views
Nakikiramay at nakikiisa sa pagluluksa ang Diocese ng San Jose Nueva Ecija sa pagpanaw ni Malolos Bishop Jose Oliveros sa edad na 71.
Hinikayat din ni San Jose Bishop Robert Mallari ang mga mananampalataya na patuloy na ipanalangin ang namayapang obispo na pumanaw matapos ang mahabang pakikipaglaban sa sakit na cancer.
Si Bishop Oliveros ay na-diagnose na may prostate cancer taong 2015.
Ayon kay Bishop Mallari, kahanga-hanga ang pagiging matatag ng namayapang Obispo na sa kabila ng kanyang karamdaman ay patuloy na nagpapakatatag para pangasiwaan ang Diocese ng Malolos.
“Sa kabila ng kaniyang mahabang taon ng kaniyang pagkasakit, ang kaniyang cancer. Makita mo talaga, patuloy siyang lumalaban at ipinagkakatiwala ang sarili sa Diyos,” ayon kay Bishop Mallari.
Taong 2017 ipinagdiwang ang World Apostolic Congress on Mercy o WACOM 4 kung saan kabilang ang Diyosesis ng Malolos sa mga naging punong abala.
“I remember him most especially noong nag-host sila ng international convention on the Divine Mercy sa Malolos. He was there kahit may sakit siya. Nakakatuwa sa kanya ‘yung always up. Kahit may sakit siya he is always up. He is there kahit nakaupo lang sa mga celebration but he is there,” ayon pa sa Obispo.
Noong April 30, pinangunahan din ni Bishop Oliveros ang ‘Episcopal ordination’ ni Bishop-elect Bartolome Santos na itinalaga ng Santo Papa Francisco bilang bagong Obispo ng Iba, Zambales.
Ayon sa ipinadalang mensahe ni Msgr. Pablo Legazpi Jr., Vicar General ng Diocese ng Malolos, alas-9 ng umaga nang pumanaw ang Obispo.
Si Bishop Oliveros ay isinilang sa lalawigan ng Quezon noong September 11, 1946, inordinahang pari noong 1970.
Siya ay inordinahan at itinalagang Obispo ng Boac, Marinduque ni Pope John Paul II taong 2000 at matapos ay itinalagang obispo ng Diyosesis ng Malolos noong 2004.
Ikinalulungkot din ni Balanga Bataan Bishop Ruperto Santos,chairman ng CBCP Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People ang pagpanaw ni Malolos Bishop Jose OIiveros.
“Nakikiisa kami at nanduon ang aming pakikiramay at pakikidalamhati sa Diyosesis ng Malolos. Nakakalungkot ang balita pero ang Diyos hindi nagpapabaya,” ayon kay Bishop Santos.
Tiniyak naman ni Bishop Santos ang pag-aalay ng panalangin para sa namayapang obispo.
Nagpapaabot din ng pakikiramay si Bishop Santos sa mga buong Diyosesis ng Malolos sa pagpanaw ni Bishop Oliveros.
“Nakakalungkot na balita at sasabihin ko sa aking mga pari at sa aming mga misa iaalay namin sa kaniya. Nawalan tayo ng ama, nawalan ang Bulacan ng isang ama. Pero alam naman natin na siya ay tinanggap, pinapasok, inanyayahan ngayon sa ating tunay na Ama sa langit. Nakakatiyak naman ang obispo na nasa mabuting kalagayan na si Bishop Oliveros sa tahanan ng ating Ama sa langit.”