160 total views
Nagpaabot ng pakikiramay ang Kura Paroko ng Jolo Cathedral sa pamilya ng 7 kabataang Tausug na nasawi sa gitna ng labanan ng mga militar at ng Abu Sayyaf Group sa Barangay Bakong, Patikul, Sulu.
Ayon kay Rev. Fr. Jefferson C. Nadua, OMI – Parish Priest ng Our Lady of Mount Carmel Cathedral sa Jolo, Sulu, nakalulungkot ang sinapit ng 7 kabataan mula sa patuloy na kaguluhan sa lalawigan.
Tiniyak ni Father Nadua ang pag-alay ng Simbahan ng panalangin para makamit ng mga kabataan at kanilang pamilya ang katarungan at katotohanan.
Sa kasalukuyan, patuloy na inaalam ang pagkakilanlan sa 7-kabataan na napatay sa engkuwentro.
“Nakakalungkot pero nakikiramay tayo doon sa mga kabataan lalo na sa murang edad pa yung mga yun and we’ll do our part dun sa pag-attend nung justice para sa kanila kung talagang inosente naman din sila…” pahayag ni Rev. Fr. Nadua, OMI sa panayam sa Radyo Veritas.
Ibinahagi ng Pari ang paninindigan ng
Western Mindanao Command at ng Joint Task Force Sulu na lehitimo ang isinagawang operasyon ng militar sa lugar at pawang mga miyembro ng Abu Sayyaf ang 7 Tausug na nasawi.
“Sa official report kasi ng Western Mindanao Command saka nagtanong na din ako sa Joint Task Force, Legit Military Operations kasi yun na confirmed Abu Sayyaf members yung mga yun. Yun yung so far report pero may nagki-claim na mistaken identity, na namimitas ng prutas pero may encounter na kasi so yun yung sabi ng military, ‘may encounter paano sila mamimitas ng prutas’ saka legit Military Operations kasi yun…”paliwanag ni Rev. Fr. Nadua
Batay sa opisyal na tala ng Joint Task Force Sulu, bukod sa 7 nasawi ay 6 na miyembro pa ng Abu Sayyaf Group ang nasugatan sa engkwentro kabilang na si ASG Senior Leader Hatib Hajan Sawadjaan habang 17 sundalo rin ang nasugatan mula sa labanan.
Nilinaw naman ni Fr. Nadua ang kailanman ay walang kinikilingan ang Simbahan at tanging ang pagkakaroon lamang ng kapayapaan at pagkakaisa ang patuloy na panalangin at panawagan para sa buong Mindanao.
“Neutral po tayo, for peace…” Paglilinaw ni Nadua.