218 total views
Labis ang pasasalamat ni Fr. Niño Garcia – Parish Priest ng San Lorenzo Ruiz Parish sa Manicani Island, Guian , Eastern Samar sa Department of Environment and Natural Resources-Mines and Geosciences Bureau dahil sa tuluyan nitong pagbasura sa panibagong application ng Hinatuan Mining Corporation para sa Mineral Prodcution Sharing Agreement.
Nagpasalamat din ang pari dahil kinilala ni Environment Secretary Roy Cimatu ang pagiging isang protected area ng Guian sa ilalim ng Presidential Proclamation 469 ni Pres. Fidel Ramos noong 1994.
“Nagpapasalamat ako kay Secretary Cimatu dahil pinakinggan nya yung hinaing ng mga tao at in-uphold nya yung mga batas na nagpoprotect sa aming isla na hindi sya minahin, hindi sya sirain,” pahayag ni Father Garcia sa Radyo Veritas.
Samantala, bagamat nagpapasalamat ang pari ay nanawagan din ito sa DENR na bigyan sila ng kopya ng dokumentong magpapatunay na binasura na ng DENR ang bagong mining application ng HMC.
“Sana bigyan kami o mag-issue ang DENR-MGB ng official document stating na hindi na pwedeng minahin ang buong isla,” dagdag pa ng pari.
Gayunman, positibo parin si Father Garcia kasama ang grupong Protect Maniani Island Society o PROMISI na ang mabubuting hakbang na naisakatuparan ngayong 2017 sa pamamagitan ng pagpupursige ng mga residente ng Manicani ay magdadala ng paghihilom sa puso ng bawat mamamayan sa isla.
Umaasa ang pari na sa pamamagitan ng tuluyang pagpapatigil sa mina ay masisimulan nang mabuo muli ang mga pamilya at maisaayos ang mga hidwaang bunga ng mapaminsalang pagmimina.
“Sana sa ganitong stand ng DENR matuldukan na ang matagal na hidwaan sa buong isla sana magkaayos na ang mga tao at sana magkabalikan ang magandang relationship ng bawat isa at sana ito ay mag start ng healing mula sa matagal nang pagkakahiwa-hiwalay, and hopefully next year we’re hoping na for the next years to come ay sana mag kayos na ang mga tao at magsimula nang maghilom ang emotional na sugat ng bawat isa.” Pagbabahagi ni Father Garcia.
Matatandaang nagkampo nang mahigit sa isang buwan ang mga miyembro ng Protect Manicani Island Society o PROMISI sa tanggapan ng DENR upang pigilan ang bagong mining application ng HMC.
Taong 1992 nang magsimula ang pagmimina sa isla. Sa kabuuan ay mayroon lamang itong lawak na 1,165hektarya habang mayroon namang humigit kumulang 3,000 mga residente.
Nauna rito, inihayag ng kanyang kabanalan francisco sa encyclical na laudato si ang mariing pagtutol niya sa pagmimina dahil sa nagiiwan lamang ito ng labis na pinsala sa mga komunidad at kalikasan.