285 total views
March 26, 2020-11:59am
Nagpasalamat ang Archdiocese of Manila sa lahat ng nakiisa sa pamamahagi ng tulong sa mga maralitang taga-lungsod na apektado ng ipinatupad na enhanced community quarantine.
Sa panayam ng Radio Veritas kay Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo, sinabi nitong magandang inisyatibo ang ginawa ng mga mamumuhunan upang tulungan ang mga dukha at walang kinikita dahil sa mahigpit na pagpapatupad ng quarantine.
“Kami po sa Archdiocese of Manila ay nagpapasalamat sa grupo ng mga businessmen; ito ay napakagandang inisyatiba na ginawa ng mga business people para po sa mga mahihirap lalong lalo na po yung mga nasa extreme poverty,” pahayag ni Bishop Pabillo sa Radio Veritas.
Nakipagtulungan ang grupo ng mga negosyante sa Caritas Manila, ang social arm ng arkidiyosesis upang magpaabot ng tulong sa mga mahihirap sa kalakhang Maynila na lubos apektado sa krisis na idinudulot ng Corona Virus Disease pandemic.
Ang mga mamumuunan na bahagi ng Philippine Disaster Resilience Foundation ay nagllunsad ng Project Ugnayan kung saan nakalikom ng 1.5 bilyong piso para maipamamahagi sa isang milyong pamilya sa National Capital Region.
Sa bahagi naman ng simbahan katuwang ng Caritas Manila ang mga parokya sa paghahanap ng mga benepisyaryong pamilya na karapatdapat na tumanggap ng tulong
“Ang simbahan naman ang Caritas Manila sa kanyang programang Project Damayan na sa pamamagitan ng networks ng mga parokya na nag – identify po ng mga mahihirap na bibigyan ng gift checks na ito,” dagdag ng obispo.
Batay sa pahayag ng Project Ugnayan P1,000 halaga ng gift certificate ang ipamimigay na maaring gamitin sa pagbili ng mga pangunahing pangangailangan ng pamilya tulad ng pagkain sa pinakamalapit na grocery store.
Kabilang sa kaisa sa programa katuwang ang simbahang katolika ang Aboitiz Group, ABS-CBN/Lopez Group, Alliance Global/Megaworld, AY Foundation and RCBC, Ayala Corporation, Caritas Manila, Century Pacific, Concepcion Industrial Corp, DMCI, Gokongwei Group of Companies/Robinsons Retail Holdings, ICTSI, Jollibee, Leonio Group, Mercury Drug, Metrobank/GT Capital, Nutri-Asia, Oishi/Liwayway Marketing Group PDRF, PLDT/Metro Pacific Investments Corporation, Puregold, San Miguel Corporation, and SM/BDO, Sunlife of Canada, Suyen Corp.
Umaasa si Bishop Pabillo na mas paigtingin ang pagkakawanggawa ng mamamayan sa gitna ng krisis ng pandemic COVID 19 upang mabigyang ayuda ang mga mahihirap.
“Sana po patuloy tayong magtulungan sa ganitong klaseng mga project kasi maraming pong mahihirap ang naapektuhan nitong lockdown,” saad pa ni Bishop Pabillo.
Nagsagawa rin ng mga relief efforts ang iba’t ibang parokya o #ChurchInAction sa bansa lalu sa NCR upang lingapin at ipadama ang tunay na diwa ng simbahang katolika na kumakalinga sa mga nangangailangan.