272 total views
Igagalang at susundin ng Diocese of Antipolo ang proseso ng batas sa alegasyong human trafficking ng isang menor de edad na kinakaharap ng isa sa mga Parish Priest ng Diyosesis.
Habang gumugulong ang imbestigasyon at kasong isinampa ng Philippine National Police laban kay Msgr.Arnel Lagarejos ay inalis muna ng Obispo ng Diocese of Antipolo ang priestly ministry o mga katungkulan ng pari bilang kura-paroko ng St.John the Baptist Parish kabilang na ang pagiging pangulo ng Cainta Catholic College.
Umaapela naman ng panalangin ang Diocese of Antipolo sa mga pananampalataya na lumabas ang katotohanan.
Kaugnay nito, tiniyak ni Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Emeritus Oscar Cruz, Judicial Vicar ng CBCP National Appellate Matrimonial Tribunal na hindi kukonsintihin ng Simbahan ang mga imoral na gawain.
Binigyang diin ni Archbishop Cruz na susuriin at pag-aaralang mabuti ng CBCP National Tribunal ang lahat ng anggulo sa kasong kinakaharap ni Msgr.Lagarejos bagamat aminado itong mabigat na pagkakasala sa batas ng tao at batas ng Diyos ang pang-aabuso sa mga menor-de-edad.
Inihayag ng Arsobispo na hawak niya ang kaso ng pari bilang Judicial Vicar ng CBCP National Appelate Matrimonial Tribunal na sariling korte ng Simbahang Katolika na umaasikaso sa mga sexual allegation laban sa mga miyembro nito.
Nilinaw ni Archbishop Cruz na maaring mismong ang Vatican ang maglabas ng desisyon matapos ang paglilitis kay Msgr. Lagarejos.
“Ang kaso na yan ay nasa akin na, nag-usap na kami ni Bishop de Leon na ako nang hahawak.’pahayag ni Archbishop Cruz sa Radio Veritas
Iginiit naman ng Arsobispo na ang mga Pari at Obispo ay mga tao rin at hindi Santo na nakagagawa ng pagkakamali.
Bunsod nito, nanawagan ang Arsobispo sa mga mananampalataya na patuloy na ipagdasal ang Simbahang Katolika at ang katatagan ng mga pari na araw-araw ay dumaranas ng iba’t-ibang pagsubok sa kanilang paglilingkod sa Panginoon.
Samantala, kinumpirma ni Antipolo Bishop de Leon sa Radio Veritas ang pagtatalaga kay Archbishop Cruz bilang taga-pagsalita o spokesman sa mga alegasyong kinakaharap ni Msgr.Lagarejos.