363 total views
Patuloy ang isinasagawang rapid assessment ng mga diocese na higit na naapektuhan ng pananalasa ng bagyong Quinta.
Ayon kay Apostolic Vicariate of San Jose, Occidental Mindoro Social Action Director Fr. Rolando Villanueva, na matindi ang naging epekto ng bagyong Quinta sa bikaryato na hanggang ngayon ay nagdudulot pa rin ng power outage sa lugar.
Sa ngayon, ayon sa pari, wala namang naitalang indibidwal na nasawi ngunit matindi ang naidulot na pinsala sa tirahan ng mga residente maging sa mga pananim nito na pinagmumulan ng kanilang kabuhayan.
“Grabe po ang damaged shutdown ang electricity 2 nights no internet also. So far, no casualty, damages heavily on agricultural products and household residences,” ang pahayag ni Fr. Villanueva sa panayam ng Radyo Veritas.
Ayon naman kay Virac, Catanduanes Social Action Director Fr. Renato dela Rosa, ang San Lorenzo Ruiz de Manila Mission Parish sa Tubli, sa bayan ng Caramoran, pa lamang ang nagbigay ng update na sa kasalukuyan ay may mga evacuees na pinatuloy muna sa kanilang simbahan.
Dagdag pa ng pari na nauna nang nagsagawa ng Information Education and Communication (IEC) campaign ang simbahan sa mga barangay at lokal na pamahalaan upang mas maging handa at ligtas ang komunidad kapag muling nanalasa ang kalamidad.
Patuloy namang humihiling ng panalangin ang mga diyosesis, gayundin, ng tulong para sa mga residenteng lubhang naapektuhan ng sakuna.
Nakalabas na ng Philippine Area of Responsibility ang bagyong Quinta, ngunit binabantayan naman ngayon ang panibagong sama ng panahon na tatawaging bagyong Rolly na inaasahang papasok sa teritoryo ng bansa bukas ng umaga o hapon.