391 total views
Patuloy na nakaalerto at binabantayan ng Archdiocese ng Nueva Caceres sa pananalasa ng bagyong Quinta sa bansa.
Ayon kay Caceres social action director Fr. Marc Real, hindi gaanong sinalanta ng bagyo ang lalawigan ngunit may ilang residente ang lumikas sa ilang parokya dahil sa pagbaha.
“Relatively, compare sa mga nakaraang bagyo, hindi tayo masyadong na-grabe. Pero meron ding mga parishes na mga nag-house ng evacuees, meron ding mga floodings. Tuluy-tuloy din po ‘yung pag-monitor actually as of now, hindi pa namin nakukuha lahat ‘yung mga updates, mga status report ng ating mga parokya. Lalung-lalo na ‘yung mga malayo kasi ang tantiya namin may mga hindi makapag-communicate dahil down ‘yung kanilang cellphone, sa communication,”pahayag ni Fr. Real sa panayam ng Radyo Veritas.
Inihahanda na rin ngayon ng Caritas Caceres ang mga ipamamahaging tulong sa mga nasalantang residente maging sa mga parokyang naapektuhan ng bagyo.
Ikalulugod naman ng arkidiyosesis kung may mga nais na magpahatid ng kanilang mga tulong para sa mga naapektuhan ng bagyo.
“We really appreciate po kung may support o may assistance kasi po tuluy-tuloy habang mayroon po tayong mga evacuees. kahit nga po nakaalis na, binibigyan namin yung mga naapektuhan na masyado kasi po kumbaga nagre-rebuild sila ng kanilang mga bahay na na-damage. Syempre apektado ‘yung kanilang pamumuhay ‘yung hindi po agad makapagtrabaho kaya kailangan din nating bigyan ng pagkain,” ayon kay Fr. Real.
Inihayag naman ni Libmanan Social Action Director Fr. Romulo Castañeda na hindi naman nagdulot ng pinsala ang bagyong Quinta sa lalawigan ng Quezon bagama’t malakas ang hangin.
Ayon pa sa pari, nagsimula na silang maglibot sa ilang parokya na naapektuhan ng bagyo habang may ilang residente rin ang mga nagsilikas.
Batay sa tala, ang bagyong Quinta ang ika-labing-pitong bagyo na nakaapekto sa bansa mula sa karaniwang higit 20-bagyo kada taon.