211 total views
March 26,2020-2:01pm
Nilinaw ng Diocese of San Carlos, Negros Occidental na bagamat mayroong mga limitasyon at pag-iingat na ipinatutupad ang Simbahang Katolika mula sa Coronavirus Disease 2019 o COVID-19 pandemic ay hindi naman tuluyang isinasara ng Simbahan ang mga pinto para sa mga mananampalataya.
Paliwanag ni San Carlos Bishop Gerardo Alminaza, pansamantalang sinuspendi ang mga pampublikong Misa sa lahat ng parokya subalit maari pa ring manalangin sa loob ng mga simbahan kaakibat ang pag-iingat tulad ng pagsunod sa social distancing o physical distancing.
Ibinahagi rin ng Obispo na patuloy ang pagkakaloob ng mga serbisyong pang-espiritwal ng mga Pari at iba pang lingkod ng Simbahan sa diyosesis tulad nang pagbabasbas sa mga namatay at pagmimisa sa patay na may limitadong bilang lamang ng mga nakikiramay.
“We don’t close our churches actually, we continue to celebrate the mass pero walang public attendance, I don’t want to use the word na ‘close ang churches’ kasi its not true, it’s open for the people to visit anytime observing social distancing o physical distancing, available naman ang mga pari kahit mga funeral masses na limited lang talaga yung attendance,” ayon kay Bishop Alminaza sa panayam sa Radyo Veritas.
PAGGUNITA NG MAHAL NA ARAW
Tiniyak naman ni Bishop Alminaza ang pagsunod ng diyosesis sa tagubilin at payo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) at ng Vatican sa paraan ng paggunita ng Mahal na Araw.
Ayon sa Obispo, puspusan na ang pakikipag-ugnayan ng mga Simbahan sa diyosesis para sa pag-iikot ng Banal na Sakramento sa buong komunidad upang mailapit ito sa mga mananampalataya ng hindi lumalabag sa pagsasagawa ng malalaking pagtitipon.
Paliwanag ni Bishop Alminaza, mula sa Linggo ika-28 ng Marso kasabay ng ika-limang linggo sa panahon ng Kwaresma ay ililibot na sa buong komunidad ang Banal na Sakramento matapos ang Banal na Misa na mapapanuod online kung saan maaring magsindi ng kandila at mag-alay ng panalangin ang bawat mananampalataya na madaraanan nito.
“Starting this Sunday mag-iikot na kami sa parameters ng city that would involve to other mission stations mag-coordinate na kami and we can do it together na lang na i-bring the Blessed Sacrament around kasi people feel na kahit na they don’t go out of their house, kahit sa window lang o sa pintuan nila when they see the Blessed Sacrament passing by, blessing talaga,” dagdag pa ni Bishop Alminaza.
Ito rin ayon sa Obispo ang gagawin ng diyosesis sa Huwebes Santo sa halip na ang nakaugaliang pagsasagawa ng Visita Iglesia ng mga mananampalataya.
Sa halip na Banal na Sakramento ay Krus naman ang ililibot sa buong komunidad ng Simbahan sa pagsapit ng Biyernes Santo kasama ang imahen ni Saint Charles de Borromeo-ang patron ng Diocese of San Carlos.
Bahagi ng nasasakupang lugar ng Diocese of San Carlos ay ang una at ikalawang distrito ng Negros Occidental bukod pa sa ilang mga syudad at bayan sa Negros Oriental na kinabibilangan ng Canlaon at Guihulngan at bayan ng Vallehermoso at La Libertad.