6,422 total views
Hinikayat ni Novaliches Bishop Roberto Gaa ang mamamayan na magkaisa sa panalangin upang i-adya ang Pilipinas sa epekto ng pag-landfall bagyong Rolly.
Ayon kay Bishop Gaa, wala nang hihigit sa kapangyarihan ng Diyos upang pigilin ang anumang sakuna hangga’t may pagkakaisa ang mananampalataya sa pagdarasal.
“Pinagdadasal po natin ang lahat ng tao na maapektuhan po ng bagyong Rolly, kailangan magkaisa tayo na humingi ng biyaya at tulong ng Diyos na maging ligtas po ang lahat,” panawagan ni Bishop Gaa sa mananampalataya sa panayam ng Radio Veritas.
Tinataya ng PAG-ASA magla-landfall ang bagyong Rolly sa Linggo o Lunes ng umaga.
Kasalukuyang nasa loob na ng Philippine Area of Responsibility ang bagyong Rolly kung saan mas lumakas ito habang papalapit sa lupa at tinatayang aabot sa 165 hanggang 185 kilometro kada oras ang lakas ng hanging taglay ng bagyo.
Ipinagdarasal din ni Legazpi Bishop Joel Baylon na mabigyang proteksyon ang lahat lalo na’t humaharap sa krisis ang mamamayan dulot ng pandemya.
“Panginoong aming Diyos, muli po kaming dumudulog sa Iyong harapan sa paghingi ng tulong, kalinga at proteksiyon sa mga pagsubok na hinaharap namin ngayon; Ipadala Mo sa amin ang Iyong mga anghel upang ipagtanggol kami at ilayo sa kapahamakan at sakit na maaring idulot ng mga paparating na bagyong Rolly at Siony,” ayon kay Bishop Baylon.
Sa tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council umabot sa 16 ang nasawi sa pananalasa ng bagyong Quinta sa bansa habang umabot sa mahigit pitong daang milyong piso ang nasirang ari-arian at kabuhayan.
Kapwa rin hinimok ni Bishop Gaa at Bishop Baylon ang mananampalataya na huwag kalimutan ang kapwa sa panahon ng mga sakuna at kalamidad partikular ang mga higit maapektuhan.
“Tulungan Mo rin kami na, sa abot ng aming makakaya’t kagalingan, makatulong sa aming kapwang higit na nangangailangan,”dagdag ni Bishop Baylon.
Hinimok naman ni Nueva Caceres Archbishop Rolando “Tria” Tirona ang mga Pari at religious communities ng Arkidiyosesis na magsagawa ng prayer vigil para i-adya sa kapahamakan ang mga lugar na tatamaan ng bagyong Rolly.
“I enjoin you dear Parish priests and Religious communities to have a prayer vigil or offer a votive Mass to spare our people and Mother nature from further sufferings and pain the two typhoons may bring”.mensahe ni Archbishop Tirona
Patuloy din ang pagkilos ng simbahan sa pangunguna ng mga social action centers ng mga diyosesis upang tulungan ang mga nasalanta ng kalamidad.