286 total views
Nanatili ang paninindigan ng Simbahang Katolika sa kampanya ng pamahalaan laban sa patuloy na umiiral na contractualization sa bansa.
Ayon kay Archdiocese of Manila Ministry on Labor Concern director Rev. Father Eric Adoviso, umaasa ang mga manggagawang kontraktuwal sa ipinapangako ni Pangulong Rodrigo Duterte na wawakasan nito ang ENDO o “end of contract” sa Pilipinas.
“Hamon sa kanya (Pangulong Rodrigo Duterte) yan sapagkat siya’y unang presidente na nagsabi na tatapusin niya yung ENDO,” pahayag ni Father Adoviso sa panayam ng Veritas Patrol.
Sinabi pa ni Fr. Adoviso na mananatiling kakampi ng mga uring manggagawa na inaapi ng mga kapitalista ang Simbahan sa pangangalampag sa Department of Labor and Employment ang mga negosyante na sumumod sa batas.
“Bilang taong Simbahan at bilang director ng Ministry of Labor Concern, ang kakatigan ko lang ang turo ng Simbahan na mas mahalaga ang tao kaysa sa kapital. Pero ang nangyayari sa buong daigdig na tinatabi ang tao at pinapahalagahan ang kapital, tinatabi ang tao at pinapahalagahan ang makina, tinatabi ang tao at pinapahalagahan ang pera,” paliwanag ni Father Adoviso sa Radyo Veritas.
Kaugnay nito, nagsagawa ng isang banal na misa ang RCAM – Ministry on Labor Concern sa harapan ng tanggapan ng DOLE upang ipanawagan ang agarang pagpapasara sa mga kumpanya na nagpapairal ng kontraktuwalisasyon.
Samantala, ipinanawagan rin ng 180 empleyado ng CAVITEX – PEA Tollway Corporation sa DOLE na nawalan ng trabaho na gawin silang regular matapos silang sisantihin dahil sa bago nitong pamunuan sa ilalim ng Metro Pacific Tollway Corporation sa pangunguna ni Manny Pangilinan.