339 total views
Inihayag ni Baguio Bishop Victor Bendico na simbolo ng pakikipagkaisa ang pagdalaw ng mga Muslim sa Our Lady of the Atonement Cathedral sa lunsod ng Baguio.
Ayon sa Obispo, magandang pagkakataon ang pagkakaisa ng mga Kristiyano at Muslim sa paglaban sa banta ng terorismo sa bansa partikular sa Hilagang Luzon.
“I was surprised, it’s a way and a sign of unity being expressed there especially against terrorism,” pahayag ni Bishop Bendico sa Radio Veritas.
Aniya, isang magandang hakbang ang pakikiisa ng mga Muslim sa mga Kristiyano sa pagtiyak na maging ligtas ang buong pamayanan sa mga karahasan.
Ika – 11 ng Agosto ng pumasok sa Baguio cathedral ang Baguio Muslim Community sa pangunguna ni Imam Samsudin Monib upang ipakita ang pagtiyak sa seguridad ng mga Kristiyano sa loob ng bahay dalanginan sa banta ng terorismo.
Sa pahayag ni Imam Monib ang mga terorista ay walang relihiyon at walang kinikilalang Diyos kaya’t wala itong lugar sa Baguio City o saan mang bahagi ng daigdig dahil naghahasik lamang ito ng karahasan.
Umaasa si Bishop Bendico na iiral ang pagkakaisa sa mamamayan ng Baguio sa kabila ng pagkakaiba ng pananampalataya at kultura upang makamit ang mapayapang pamayanan.
“I hope that the Muslim community and the residence of or people of Baguio would live harmoniously that there would be peace and order in the city,” ani ni Bishop Bendico.
Batay sa ulat, nagsasagawa ng masusing beripikasyon ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas kaugnay sa bantang pag-atake ng teroristang ISIS sa mga makasaysayang simbahan (Church Crusade) sa Hilagang Luzon partikular sa Laoag at Vigan sa Ilocos, Manaoag sa Pangasinan at Tuguegarao City.
Malugod na tinanggap ng mananampalataya ang mga rosas na ipinamahagi ng mga Muslim sa mananampalatayang dumalo sa Misa.
Ayon kay Bishop Bendico, pinaigting ng pulisya ang pagbabantay sa paligid ng Simbahan at sa mga matataong lugar lalo’t maraming turista ang dumadayo sa ‘summer capital’ ng Pilipinas sa araw at sa gabi.
Nanawagan ng Obispo sa bawat mamamayan na manatiling alerto at mapagmasid sa paligid upang maipagbigay alam sa awtoridad ang mga kahina-hinalang pagkilos ng mga tao.
“They would really be vigilant and be watchful of a probably unusual movement not only in the cathedral or churches but also in the city of Baguio; we have to be very careful,” ani ng Obispo.
Batay sa tala ng lokal na pamahalaan ng Baguio mahigit sa isang milyon ang bilang mga turistang lokal o dayuhan ang bumibisita sa Baguio bawat taon kaya’t mahalagang matiyak ang kaligtasan at seguridad sa lunsod.