170 total views
Ipinanalangin ng Obispo ng Diocese ng Nueva Ecija ang mga botante sa May 9 elections na hindi magpadala sa agos ng pulitika sa pagpili ng mga iboboto.
Umaasa si Bishop Roberto Mallari na pakinggan ng mga botante ang kanilang kunsensiya sa pagboto at hindi lamang bumuto sa malakas at popular na kandidato.
“Sana po huwag lang po kaming magpadala sa malakas na agos na kung sino yung malakas na kandidato kundi talagang sundin namin ang konsensiya, ang boses mo na nasa aming kalooban. Bigyan mo kami ng kakayahang gawin ito tanda ng aming pagmamahal sa sayo tanda ng aming pagmamahal sa aming bayan,” bahagi ng panalangin ni Bishop Mallari.
Panalangin pa ng Obispo na mabigyan ng lakas ng loob ang mga Filipino na makaboto ng tama at may dangal.
Inihayag ni Bishop Mallari na maunawaan sana ng mga botante na ang kanilang pagboto ay isang gawaing banal na ginagawa na may nakaatang na malaking responsibilidad.
“Hinihiling po amin sa inyo na pagkalooban niyo kami ng biyaya nang humarap sa inyo at hingin ang paggabay sa bawat isa sa amin.Sana kilalanin namin itong gagawin na isang banal na gawain na dapat naming gawin sa harapan,” panalangin ni Bishop Mallari.
Umaabot sa 54.6 na milyong mga botante ang nangangailangan ng pananalangin upang makaboto ng tama at payapa para sa nalalapit na halalan sa May 9, 2016.