301 total views
May 2, 2020-1:35pm
Patuloy na nakikipag-ugnayan ang Catholic Bishops Conference of the Philippines sa pamahalaan na ikonsidera bilang pangunahing pangangailangan ng mananampalataya ang pagdalo sa misa sa mga parokya.
Ito ang inihayag ni Fr. Jerome Secillano-executive secretary ng CBCP-Permanent Committee on Public Affairs kaugnay na rin sa pagbawi ng Inter-Agency Task Force na payagan ang pagbubukas ng mga simbahan at mapakapagdiwang ng misa sa publiko.
“No, the church is not quiet. The church is doing her thing through our leaders in the proper way. Nakikipag-ugnayan po ang CBCP sa IATF para ma-rekonsidera ang mga public celebration ng sakramento sa mga simbahan natin in the general community quarantine,” ang pahayag ni Fr. Secillano sa kaniyang programang Veritasan.
Ang kahilingan ay para sa mga simbahang nasasakop sa mga lugar na nasa ilalim ng General Community Quarantine o ang pag-iral ng mas maluwag na panuntunan tulad ng paglabas ng mga residente sa kanilang tahanan at ilang negosyo na nagsimula ngayong Mayo.
Una na ring nagpalabas ng circular ang Diocese of Borongan at Archdiocese of Caceres na kapwa nasasakop sa GCQ- hinggil sa muling pagpapaliban ng mga misa sa mga parokya kaugnay na rin sa kautusan ng IATF.
Giit ni Fr. Secillano, patuloy na nakikipag-usap ang simbahan sa mga kinauukulan para na rin sa pangangailangang espiritwal ng mananampalatayang nasasabik na sa pagtanggap ng eukaristiya.
Tinitiyak naman ng pari na ang simbahan ay sumusuporta at tumatalima sa panuntunan ng gobyerno para sa kaligtasan ng mamamayan.
Giit pa ni Fr. Secillano, hindi nagkulang ang simbahan katolika para pangalagaan ang mga mananampalataya sa banta ng novel coronavirus.
“I would like to emphasized that the church has been compliant, the church is obedient, the church supports. Ito pong ipinatutupad sa atin patungkol sa protocol, sa quarantine at iba pang safeguards. Pangalawa, the church- may kapabilidad po ‘yan na ipatupad din po sa kaniyang mananampalataya ang mga quarantines at guidelines,” ayon sa pari.
Bago pa man ang lockdown, una na ring nagpalabas ng panuntunan ang CBCP na base na rin sa mungkahi ng mga eksperto kabilang na ang Department of Health.
Kabilang na dito ang pagtanggap ng komunyon sa pamamagitan ng kamay, hindi paghahawak ng kamay sa pag-awit ng ‘Ama Namin’ gayundin ang pagtungo na lamang ulo sa pagbati ng kapayapaan.
Dagdag pa rito ang pagsunod ng simbahan sa pagpapaliban ng pampublikong misa maging ang mga pagdiriwang ng simbahan ng malakihang pagtitipon noong panahon ng Kwaresma at Mahal na Araw.
Hanggang sa kasalukuyan ay patuloy na isinasagawa ang lahat ng misa ng walang pagdalo ng kongreso sa halip ito ay mapapanood at mapapakinggan lamang sa pamamagitan ng radio, telebisyon at social media tulad ng Facebook at YouTube.