1,983 total views
Hinimok ni Maasin Bishop Precioso Cantillas ang mananampalataya na makibahagi sa misyon ng Panginoon sa pamamagitan ng pagsuporta sa Alay Kapwa program ng simbahan.
Ito ang paalala ng obispo kasabay ng paglunsad ng taunang programa ng simbahan na karaniwang ginagawa tuwing kuwaresma at semana santa.
Ipinag-utos ng diyosesis ang pagpapatupad sa Alay Kapwa program sa mga parokya na inilunsad nitong Pebrero 26.
“As a concrete response to our missionary vocation, I hereby decree the promotion and implementation of the Alay Kapwa spirituality in all the parishes in our diocese to ensure a uniform and faithful fostering for this Alay Kapwa spirituality in parishes and BECs,” bahagi ng pahayag ni Bishop Cantillas.
Paliwanag ng obispo na mahalaga ang pagtulong sa kapwa sapagkat naipapadama ng tao ang dakilang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan.
Ito rin ay paraan ng pakikibahagi sa misyon ni Hesus lalo ngayong panahon ng kuwaresma at ipinagdiwang ng bansa ang 500 Years of Christianity kung saan malaki ang bahagi ng Diyosesis ng Maasin sapagkat naganap ang unang makasaysayang misa sa Linggo ng Pagkabuhay noong Marso 31, 1521 sa Limasawa Island.
“We are given the opportunity to share Jesus’ mission to proclaim our faith by being of service to the needy and to the poor,” ani Bishop Cantillas.
Binigyang diin ni Bishop Cantillas na ang pakikiisa sa Alay Kapwa ay pagsasabuhay din sa turo ng simbahan lalo’t idineklara rin ng diyosesis ang 2021 bilang ‘Diocesan Year of the Eucharist’ kung saan ang bawat isa ay hinamong palalim ang pakikiisa kay Hesus sa pamamagitan ng paglingap sa nangangailangan.
Ang Alay Kapwa ay unang inilunsad ng simbahan noong 1974 na layong makapangalap ng pondo para maging standby fund ng simbahan na ginagamit sa pagtugon sa pangangailangan ng mamamayang nasasalanta ng anumang uri ng kalamidad.