175 total views
Nanindigan si Rev. Father Edwin Gariguez – Executive Secretary ng CBCP-NASSA/Caritas Philippines na hindi nagbabago ang katayuan ng Simbahang Katolika sa paglaban sa destructive mining sa bansa.
Ayon kay Father Gariguez, naniniwala at nagkakaisa ang lahat ng Obispo na walang naidudulot na mabuti para sa kalikasan at sa mga komunidad ang pagmimina.
“Paulit-ulit na ang simbahan ay naninindigan dito sa usapin ng pagmimina dahil kahit noon pa mang ilang administrasyon na, laging isang bagay na pinagkakasunduan ng mga Obispo sa Pilipinas may tindig na pangkalahatan diyan ang mga Obispo at sa maraming statement na ibinigay na ng CBCP ang minahan talaga sa maraming lugar sa Pilipinas at batay sa kanilang mga karanasan at sa inihahain sa kanilang karaingan ng mga komunidad ay hindi nakakatulong, sa halip ay nakakapinsala,”pahayag ni Fr. Gariguez sa Radyo Veritas.
Kaugnay dito, kinatigan ni Fr. Gariguez ang pagsusulong ng Alternative Minerals Management Bill upang mas mapaigting ang proteksyon sa mga komunidad lalo’t higit sa mga katutubo na pangunahing nagiging biktima at nawawalan ng lupang minana dahil sa mga operasyon ng pagmimina.
Naihain na sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang House Bill Number 113, nina Ifugao Lone District Rep. Teddy Brawner Baguilat–Co-author ng Green Bills at Agusan Del Norte First District Rep. Lawrence Fortun ang Alternative Mining Bill.
Aminado ang pari na hindi magiging madali ang tatahakin bago maisabatas ang AMMB kaya nanawagan ito sa mga lokal na pamahalaan na magkaroon ng paninindigan at tunay na maging lingkod sa taumbayan.
“Panawagan sa mga nasa lokal na pamahalaan sana ay mas magkaroon talaga sila ng tunay na pagtupad sa kanilang mandato, katigan nila kung ano yung tama, kung ano yung mabuti pati yung kapakanan ng mamamayan lalo’t higit yung kapakanan ng mga mahihirap,” dagdag pa ng Pari.
Ilan sa mga kapaloob sa Alternative Minerals Management Bill ang “No-Go Zone policy” pagdadagdag ng buwis sa mga mining companies, at paggalang sa karapatan, kultura at lupang ninuno ng mga katutubo.
Sa kasalukuyan, walong minahan na ang pansamantalang ipinatigil ang operasyon habang nasa ilalim ito ng suspension order ng Department of Environment and Natural Resources.
Kabilang dito ang BenguetCorp Nickel Mines Incorporated, Eramen Minerals Incorporated, LNL Archipelago Minerals Incorporated, at Zambales Diversified Metals Corporation sa bayan ng Sta. Cruz Zambales, Berong Nickel sa Palawan, dalawang mining sites ng Citinickel sa Española at Narra Palawan at Ore Asia Mining Development Corporation sa Bulacan.