647 total views
Muling nanawagan ang simbahan ng Cotabato sa mamamayan ng Maguindanao na makibahagi sa plebisito sa September 17.
Ang plebisito ay kaugnay sa paghahati ng Maguindanao bilang dalawang bahagi- ang Maguindanao Del Norte at Maguindanao Del Sur.
Ayon kay Cotabato Archbishop Angelito Lampon, mahalaga ang pakikilahok ng mamamayan Maguindanao upang matiyak ang matapat na resulta ng plebisito at mapakita ang tunay na nais ng pamayanan.
“My message is, go out and participate for the sake of a credible and democratic division of North and South Maguindanao.” Ang bahagi ng pahayag ni Cotabato Archbishop Angelito Lampon sa Radio Veritas.
Paliwanag ng Arsobispo, bagamat maituturing na pormalidad na lamang ang plebisito dahil sa kawalan ng malinaw na oposisyon sa paghahati sa lalawigan ay mahalaga pa rin na maibahagi ng mamamayan ang kposisyon at pananaw para sa Maguindanao.
Pagbabahagi ni Archbishop Lampon, mas higit na nakababahala ang susunod na magiging hakbang matapos ang paghahati sa lalawigan lalo na ang proseso sa pagpili o paghahalal ng mga bagong magsisilbing lider ng hahatiing lalawigan ng Maguindanao.
“After the division of Maguindanao yan ang mas delikado. Who will be the next set of leaders? Will they be elected or appointed?” Ayon kay Archbishop Lampon.
Umaasa naman ang Arsobispo na maging mapayapa ang isasagawang plebisito.
“BARMM Comelec and PNP have designated PNP check points all over Maguindanao Province. The plebiscite will be peaceful.” Pahayag pa ni Archbishop Lampon.
Bahagi ng nasasakupan ng Archdiocese of Cotabato ang mga probinsya ng Cotabato, Sultan Kudarat at Maguindanao.
Batay sa tala may 939,011 registered voters ang Maguindanao na may karapatang bumuto sa nakatakdang plebisito.
Sa panlipunang katuruan ng Simbahang Katolika, hindi dapat balewalain ang kasagraduhan ng pagboto bilang isang mahalagang sangkap ng demokrasya at unang hakbang para sa pagbabago ng lipunan.