227 total views
Hindi magbabago ang paninindigan ng buong Bataan maging ng Simbahang Katolika laban sa binabalak na rehabilitasyon ng Bataan Nuclear Power Plant ng administrasyong Duterte.
Ayon kay Balanga Bataan bishop Ruperto Santos, hindi kailanman nila pahihintulutan na masira ang kalikasan at ang kinabukasan ng mamamayan dahil lamang sa proyekto na itinayo na puno ng katiwalian.
Dagdag ng obispo, kapit—bisig ang pamahalaan ng Bataan, ang Simbahan at ang mamamayan para labanan ang nasabing balakin.
“Simulat-sapul ang Diocese of Balanga ay tutol sa binabalak na rehabilitasyon ng Bataan Nuclear Power Plant at kahit sabi sa taas na bubuksan o hindi, hindi magbabago ang aming pasya at hatol na kami ay tutol at gagawa kami ng hakbang para hindi ito matuloy, ang buong Bataan, pamahalaan, ang Simbahan at mamamayan lahat kami ay tutol, noong naglagay kami ng mga tarpaulin sa mga Simbahan tungkol sa pagtutol ang lahat ay kasama namin sa ating adhikain,” pahayag ni Bishop Santos sa panayam ng Radyo Veritas.
Inisa isa rin ng obispo kung bakit mariin ang pagtutol ng mga taga Bataan sa BNPP na nakatayo sa isang bulkan at ginawa ang proyekto ng puno ng katiwalian ng nagdaang rehimeng Marcos at wala man lamang pag-aaral at pag-sang-ayon ng publiko.
“Ang BNPP ay nakatayo sa isang bulkan na active sa Morong. Noong 1972 ito ay itinayo ng walang pag-aaral at walang pagsang-ayon ng tao, hindi nila tiningnang mabuti na may bulkan doon, itinayo ito para lamang sa katiwalian na bilyong dolyar ang ginastos,” ayon pa sa obispo.
Kaugnay nito, sinabi pa ni Bishop Santos na kung ililipat ang nuclear plant sa ibang lalawigan, makikipagtulungan sila sa lugar para tutulan ang proyekto.
Suhestiyon ng obispo sa pamahalaan, sa halip na nuclear dapat maglagak ng puhunan sa enerhiya sa pamamagitan ng araw, hangin at tubig.
“Maraming bagay na magkakaroon tayo ng enerhiya na hindi panganib sa ating bansa, ang araw, hangin at tubig ay maaring maging malakas na daluyan ng source ng enehiya, dapat tingnan ang lahat ng katabing bansa natin tumitigil na sa paggamit ng nuclear tulad ng Vietnam, Taiwan at ngayon nga ang Japan, bakit pa bubuhayin ang patay na alam natin na magdudulot sa atin ng kamatayan na itinayo lamang dahil sa katiwalian,” ayon pa kay Bishop Santos.
Una ng inihayag ng Department of Energy na pinag-aaralan na nila ang mga nuclear policy kaugnay ng bagong development sa teknolohiya sa usapin ng pagpapatatag ng supply ng kuryente sa bansa.
Nasa $2.3-bilyon ang nagastos sa pagtatayo ng BNPP na itinayo noong 1972 dahil sa kakulangan ng supply ng langis noong 1970’s.