327 total views
March 31, 2020-3:13pm
Sa kabila ng patuloy na banta ng Novel Coronavirus sa bansa, pinaalahanan ng obispo ang bawat mananampalataya na manalig sa panginoon at hindi dapat matakot.
Ito ang tugon ni Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo kaugnay na rin sa nararanasan ng ilang medical frontliners na nakakaranas ng diskriminasyon lalu’t sila ang pinakalantad na mahawaan ng virus.
“Lahat naman tayo exposed, pati yung mga medical practitioners buong araw exposed sila. So dapat hindi mamayani ang takot, dapat pagtutulungan ang mamayani. Basta gumawa tayo ng nararapat lamang na precautions pero dapat talaga nating tanggapin sila,” ayon kay Bishop Pabillo.
Ilan sa mga medical workers ay hindi na tinatangggap sa kanilang tinutuluyang dahil sa pangambang mag-uwi ng mikrokbyo at makapanghawa.
“May itinutulong din tayo sa mga medical frontliners. Mayroon tayong mga simbahan na nag-o-offer ng mga meeting halls, mg eskwelahan na natutulugan ng mga medical frontliners. Kasi ang iba sa kanila hindi na nakakauwi. Ang iba sa kanila nakakauwi wala namang social space sa bahay nila. Ang iba nga hindi na tinatanggap ng boarding house,” ayon kay Bishop Pabillo.
Una na ring nagbukas ang ilang mga katolikong institusyon bilang pansamantalang tuluyan ng mga health workers at mailapit din sila sa kanilang mga pinapasukang ospital.
Ilan pa sa mga karagdagang nagbukas ng kanilang pintuan bilang pansamantalang titirahan ng mga medical frontliners ang Holy Child Catholic School; Edsa Shrine; Sacred Heart Shrine of Makati; St. Lorenzo Ruiz Dormitory sa Legarda; at Pius Center sa UN Avenue.
Bagama’t marami na ang nasasawi dulot ng COVID-19, may 165 libong katao na rin sa buong mundo ang gumaling mula sa karamdaman.