259 total views
Naging matagumpay ang unang araw ng isinagawang Disaster Response Summit sa pangunguna ng Archdiocese of Manila katuwang ang himpilan ng Radyo Veritas, Caritas Manila at Quiapo Disaster Response Ministry.
Tinatayang umabot sa halos 200 participants mula sa iba’t-ibang parokya, bikaryato, at diyosesis sa Metro Manila at kalapit na lalawigan ang dumalo sa unang araw ng disaster summit.
Iginiit ni Rev. Father Anton CT Pascual, Pangulo ng Radyo Veritas at Executive Director ng Caritas Manila ang kahalagahan ng pagiging handa sa mga paparating na kalamidad na isang pagsubok sa ating katatagan at pananampalataya.
Sinabi ni Father Pascual na bagamat ang kalamidad ay hindi kalooban ng Diyos, ito ay nagsisilbing ‘wake-up call’ o panawagan sa bawat mamamayan na gampanan ang responsibilidad bilang mga katiwala ng daigdig.
“Binigyan tayo ng kalikasan ngunit tayo ay naging pabaya, tayo ay naging tamad, waldas, at iresponsable kaya nakararanas tayo ng ganitong mga malalakas na kalamidad sa buhay, sa ating pamilya at ating mga pamayanan. Sa totoo lang marami sa atin ang nakalimot na sa Simbahan. Nakalimutan na natin ang ating social responsibilities at ang tingin natin sa pananampalataya ay pribado lamang at walang social purpose kaya maraming naghihirap sa ating bansa.” Pahayag ni Father Pascual.
Hinikayat ni Father Pascual ang mga dumadalo sa Disaster Response Summit ng Archdiocese of Manila na gamitin at ipalaganap ang kanilang mga natutunan.
Sa ika-27 ng Mayo ay inaasahang isasagawa ang ikalawang araw ng summit kung saan pangungunahan ng Radyo Veritas ang pagbabahagi ukol sa Disaster Communication.
Magugunitang ang Pilipinas ay itinuturing na isa sa mga bansa na pinakanakakaranas ng mga kalamidad partikular na ng mga bagyo na umaabot sa halos 20 kada taon.