180 total views
Pinasalamatan ni Atty. Gia Ibay, Earth Hour National Director at Head ng Climate and Energy Program ng World Wide Fund for Nature Philippines ang Simbahang Katolika at Radyo Veritas sa patuloy na pagsuporta sa programa nitong Earth Hour.
Ayon kay Ibay, sa pamamagitan ng tulong ng simbahan at Radyo Veritas, ay mas naipaaabot sa publiko ang mensahe ng Earth Hour na pagbalik sa payak na pamumuhay, pangangalaga at pagpapanatili sa samu’t-saring buhay ng kalikasan para sa kapakinabangan ng susunod pang henerasyon.
“Once again, thank you so much for supporting Earth Hour throughout the years, Radio Veritas has been a very huge supporter of us and we are very honored and grateful for their support, again we call on them to also support us this year and hopefully to spread the message that we need to connect to earth to go back to the basics and to help our planet to generate itself and hopefully conserve biodiversity and use the movement of Earth Hour to do that.” pahayag ni Ibay sa Radyo Veritas.
Samantala, hinimok naman ni Dumaguete Bishop Julito Cortes – Chairman ng CBCP Episcopal Commission on Healthcare ang mga mananampalataya na sa nalalapit na pagdiriwang ng Earth Hour ay sariwain ng bawat isa ang matitinding epekto ng climate change na dinanas ng Pilipinas.
Paliwanag ng Obispo, malaki ang maitutulong ng pagtitipid sa kuryente dahil sa pamamagitan ng Earth Hour ay nababawasan ang konsumo ng elektrisidad sa buong mundo na nakatutulong upang mabawasan rin ang epekto ng pagbabago ng klima.
Dagdag pa ni Bishop Cortes, bagamat sa pagdaraos ng Earth Hour ay naghahari ang dilim sa paligid, nangangahulugan naman ito ng mas ligtas at mas malusog na kalikasan, na siyang pangunahing pakikinabang ng mga tao.
“By turning off our lights for one hour, you and I together with the rest of the world are making the earth darker, darker but safer, darker but healthier. Let us be guarded of our long reign of self-inflicted darkness as an act of retrieving what is basic in our life.” pahayag ni Bishop Cortez sa Radyo Veritas.
Ngayong taon, inaanyayahan ang bawat Filipino na makiisa sa Earth Hour sa pamamagitan ng pagpapatay ng ilang mga electrical appliances.
Gaganapin ito sa ika-24 ng Marso simula alas otso y medya hanggang alas nuebe y medya ng gabi.
Kasabay nito, tatalakayin naman sa espesyal na programa ng Radyo Veritas na “Ang Banal na Oras” ang Epekto ng nagbabagong klima sa pagkalipol ng samu’t-saring buhay sa kalikasan.
Ang espesyal na programa ay mapapakinggan sa ganap na alas otso hanggang alas diyes ng gabi kasama sina Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo – Chairman ng CBCP Episcopal Commission on the Laity at si Rodne Galicha – Country Manager ng Climate Reality Project.
Ngayong 2018 ang ika-11 taon ng pagdiriwang ng Earth Hour, tinatayang umaabot sa 166 Meggawatts ng kuryente ang natitipid sa loob lamang ng isang oras na pagsasagawa ng programa.