366 total views
Pinuri ni United Kingdom-based Filipina nurse May Parsons ang hakbang ng simbahan sa patuloy na pakikipagtulungan sa pamahalaan sa pamamahagi ng COVID-19 vaccine sa mamamayan.
Bukod sa pagtulong sa pamamahagi ng bakuna, hinimok ni Parsons ang simbahan na patuloy na isulong at paigtingin ang pagpapalaganap ng katotohanan at labanan ang pagkalat ng maling impormasyon hinggil sa bakuna.
“As Filipinos, we are very religious. We are Catholic. I think the church can do more in terms of actually combating misinformation,” pahayag ni Parsons sa panayam ng Radio Veritas sa ginanap na press conference sa University of Santo Tomas.
Sinabi ng Filipina nurse na mahalaga rin ang patuloy na information dissemination hinggil sa COVID-19 vaccines lalo na sa mga mahihirap na komunidad upang mapawi ang pangamba ng publiko at mas mahikayat na magkaroon ng karagdagang proteksyon laban sa virus.
Nilinaw naman ni Parsons na hindi pa rin sapilitan ang pagpapabakuna bagkus ay sinisikap lamang na mahikayat ang publiko na pangalagaan ang sarili laban sa umiiral na COVID-19.
“We cannot force people to take them, but we can advise them in the right way. Because people are allowed to make wrong decisions as long as I feel that they’ve been given all of the right information,” ayon kay Parson.
Si Parsons ang nangasiwa sa kauna-unahang coronavirus vaccination sa buong mundo at nakatanggap ng George Cross Award mula kay Queen Elizabeth II at Prince Charles sa Windsor Castle.
Ang George Cross award ay ang pinakamataas na civilian award para sa katapangan at kagitingan.
Nagtapos si Parsons ng kanyang Nursing degree sa UST noong 2000 at nagtrabaho sa UST Hospital hanggang 2003.
Sumali siya sa National Health Service (NHS) at mula 2003 ay kabilang na sa University Hospitals Coventry and Warwickshire, NHS Trust, sa United Kingdom.
Kabilang na ngayon si Parsons sa mga nagkamit at nagbigay-karangalan sa bansa, tulad ni Hidylin Diaz na kauna-unahan at nag-iisang Olympic gold medalist, at si Maria Ressa na isang mamamahayag at unang Filipino na nakatanggap ng Nobel Peace Prize.