2,845 total views
Naghahanda na muli ang Diocese of Virac para sa inaasahang pagtama ng binabantayang Bagyong Pepito, na may international name na Man-Yi.
Sa panayam sa Barangay Simbayanan, ibinahagi ni Caritas Virac executive director, Fr. Renato dela Rosa, na muling bubuksan ang mga simbahan sa diyosesis upang magsilbing evacuation sites para sa mga residenteng kailangang lumikas.
Ayon kay Fr. dela Rosa, tinitiyak ng Disaster Risk Reduction and Management Offices (DRRMOs) ng bawat bayan sa Catanduanes ang katatagan at kaligtasan ng mga simbahan upang maging ligtas na tuluyan ng mga pamilya.
“Pinapa-assess na po sa mga MDRRMOs sa bawat bayan na paki-check kung hindi ba hazard or risky ang mga simbahan na ito lalo ng mga lugar na prone sa landslides and floods. But in terms of strength ng simbahan, maasahan din natin. Kaya even Bishop [Luisito Occiano] ay nagpa-abot sa lahat na ang simbahan ay bukas para maging evacuation center… They need to assess it para ma-declare ng MDRRMO na ito ay safe rin for evacuees, pang evacuation,” pahayag ni Fr. dela Rosa.
Tiniyak din ng Caritas Virac na may naka-preposition na food at non-food items na sasapat para sa pangangailangan ng mga magsisilikas.
“Kasi sa tingin ko dito ay nakapaghanda naman ang lahat ng local government units. Our side naman, may prepositioning na 1,700 packs ng bigas na 5kg. So it could be an augmentation to those na hindi pwedeng maabot pa ng LGU,” ayon kay Fr. dela Rosa.
Dalangin naman ni Fr. dela Rosa na humina ang epekto ng bagyo at hindi na magdulot pa ng labis na pinsala sa Catanduanes.
Samantala, patuloy na umaapela ng panalangin si Bishop Occiano upang ipag-adya ang lalawigan sa banta ng sakuna, lalo’t hindi pa lubusang nakakabangon mula sa pinsalang iniwan ng nagdaang Bagyong Kristine.
Batay sa huling ulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA), huling namataan ang Tropical Storm Man-Yi sa silangan ng Northeastern Mindanao, sa labas ng Philippine Area of Responsibility.
Inaasahang papasok ang bagyo sa PAR mamayang alas-otso ng gabi, at saka pa lamang tatawagin sa local name na Pepito.