622 total views
Gumuho ang bahagi ng St. Joseph Parish sa Dingras, Ilocos Norte kasunod ng 6.7 magnitude na lindol.
Sa mga ipinadalang larawan ni Msgr. Joel Barut, rektor ng St. William Cathedral ng Diocese of Laoag, makikita ang malaking pinsala sa likurang bahagi ng Dingras Church.
Ang simbahan ng Dingras ay kabilang sa mga matatandang simbahang itinatag ng mga Agustino noong taong 1680.
Magugunitang isinailalim sa malaking pagsasaayos ang harapang bahagi ng Dingras Church noong 2010 makaraan ang mahabang taong pananatili sa mga tinamong pinsala mula sa iba’t ibang sakuna sa nakalipas na isang daang taon.
Samantala, nagtamo naman ng malaking bitak sa bahagi ng Saint John Bosco Parish sa Baresbes, Dingras kung saan napinsala din ang ilang gamit at imahen.
Batay sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), nagmula ang epicenter ng lindol pitong kilometrong hilagang-kanluran ng Lagayan, Abra kung saan tectonic ang pinagmulan ng pagyanig na may lalim na 11 kilometro.
Samantala, patuloy naman ang isinasagawang assessment ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) upang matukoy ang iba pang pinsala, gayundin ang mga indibidwal na apektado ng naganap na sakuna.