187 total views
Abala na ang mga diyosesis sa mga lalawigan na posibleng tamaan ng bagyong Lawin at nakahanda na sa posibleng maging epekto ng nasabing kalamidad.
Sa Diocese ng Ilagan, Isabela, naka-monitor na ang Social Action center ng diocese sa mga coastal areas at mga munisipalidad na nasa hilagang bahagi ng lalawigan.
Sinabi ni Fr. Carlito Sarte, Social Action Director ng nasabing diyosesis na naka-alerto ang kanilang disaster response unit at patuloy din na nagdarasal para sa ikaliligtas ng lahat.
“We don’t have prepositioning of relief goods but I just put on standby our DSAC Disaster Response team and volunteers,”mensahe ni Fr. Sarte sa Damay kapanalig.
Sa Apostolic Vicariate of Tabuk sa Kalinga-Apayao, sinabi ni social Action Director Rev. Fr. Roman Macaiba na naiparating na nila sa lahat ng mga kaparian at parokya ang mga nararapat na paghahanda para sa bagyong Lawin.
Ganito rin ang ginawa ng Diocese of Bayombong sa Nueva Viscaya kung saan tiniyak ng Social Action Director nito na si Fr. Enrique Tiongson na naka-alerto ang Simbahan sa ano mang tulong na kanilang magagawa.
Nakataas na ang Storm Signal number 5 sa lalawigan ng Isabela at Cagayan dahil sa inaasahang pagtama ng Super Typhoon Lawin.
Ayon sa huling update ng philippine atmospheric geophysical and astronomical services administration o pagasa, umabot na sa 225 kilometro kada oras malapit sa gitna ang dalang hangin ng bagyong lawin kasabay ng pagbugso na aabot sa 315 kilometro kada oras. Kumikilos ito pa kanluran hilagang kanluran sa bilis na 24 kada oras at inaasahang tatama sa kalupaan ngayong bago maghatinggabi o mamayang madaling araw. (Rowel Garcia)