254 total views
Abala ang Simbahang Katolika sa Mindanao sa pagtulong sa mga residenteng apektado ng mga pagbaha dahil sa walang tigil na pag-ulan sa ilang lalawigan sa rehiyon.
Sa Diocese ng Butuan sa Agusan Del Norte, 800 relief goods ang ipinamahagi ng Social Action center ng Diocese sa bayan ng La Paz kung saan kinakailangan pang sumakay ng “tug boat” para marating ang mga apektadong pamilya.
Ayon kay Fr. Stephen Brongcano, Social Action director ng nasabing diocese, patuloy silang umaapela ng tulong sa iba pang mga organisasyon ng Simbahang katolika na nais magbahagi ng tulong para mabigyan ang malaking bilang ng mga nangangailangan.
“Patuloy kami nag-appeal sa mga partners natin sa NASSA, sa Veritas, sa Caritas Manila. May parish priest dito nag-ask ng tulong din since December 31 pa last year nag start ang pagtaas ng tubig [sa kanila] and I think it will last for 1 to 2 months.. May mga Barangay na lubog pa at mag continue kami ng food packs ngayon para ma prepare at madala bukas.”pahayag ni Fr. Brongcano.
Kaugnay nito, Aminado si Diocese of Tagum Social Action Director Rev. Fr. Emerson Luego na nababahala sila sa patuloy na pagtaas ng baha sa ilang mga mababang munisipalidad.
Aniya, ilan sa mga bayan ang hirap silang mapasok dahil sa mataas na tubig baha at patuloy na masamang panahon.
“Ngayon continuous yun mga paghahatid natin ng relief goods and at the same time mapuntahan yung mga Parokya kasi kahapon may bayan na kahit saan ka dumaan hindi ka talaga makakadaan sa lalim ng tubig.”giit ni Fr. Luego.
Samantala, kasalukuyan namang kumikilos ang Archdiocese of Cagayan De Oro upang matulungan ang rehabilitasyon ng mga residenteng naapektuhan ng pagbaha sa kanilang lalawigan.
Sa apela na ipinadala ng Archdiocese of Cagayan De Oro sa Caritas Manila, tinatayang aabot sa 11 milyong piso ang kakailanganin pondo upang matulungan ang rehabilitasyon ng may 331 partially damaged houses at 860 totally damaged houses sa 23 barangay sa siyudad ng Cagayan De Oro at Misamis Oriental.
See: http://www.veritas846.ph/12-parokya-nahatiran-na-ng-tulong-ng-diocese-tagum/