506 total views
Patuloy ang rapid assessment ng Diocese of Bangued kaugnay sa naganap na 7.3 magnitude earthquake sa lalawigan ng Abra kaninang umaga.
Ayon kay Bangued Diocesan Social Action Director Father Jeffrey Bueno, karamihan sa apektado ng malakas na pagyanig ay ang mga gumuhong gusali kabilang na ang ilang parokya.
Isa sa mga lubhang naapektuhan ng paglindol ay ang parokya ng Santa Catalina de Alejandria sa Tayum, Abra kung saan gumuho ang bahagi ng kampanaryo nito.
“Base doon sa mga information and reports na natanggap ko, mostly affected ang mga buildings lalo na yung ilang parokya. Karamihan din sa mga taong affected ay minor injuries lang,”pahayag ni Fr. Bueno sa panayam ng Radio Veritas.
Batay sa huling ulat ng Abra Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, isa na ang naitalang nasawi habang nasa 44 katao naman ang nagtamo ng sugat dahil sa naganap na paglindol.
Samantala, ibinahagi naman ni Fr. Bueno na nagkaroon ng pagpupulong ang mga social action directors ng mga diyosesis kasama si NASSA/Caritas Philippines National Director Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo hinggil sa pagtugon sa mga apektado ng paglindol lalo na sa mga diyosesis sa Northern Luzon.
Kasalukuyang nasa Caritas Philippines Academy sa Tagaytay City ang ilang social action directors upang sumailalim sa pagsasanay.
“We just had our short meeting with Bishop Bagaforo, and may mga initial instructions na binigay sa amin so we could help sa mga mostly affected,” ayon kay Fr. Bueno.
Hinimok naman ng simbahan ang bawat mananampalataya na patuloy na isama sa panalangin ang kaligtasan ng bawat isa mula sa panganib ng paglindol at iba pang pinsala.