12,457 total views
Umapela ng tulong at panalangin ang Archdiocese of Nueva Segovia sa lalawigan ng Ilocos Sur matapos ang pinsalang iniwan ng magnitude 7.3 na paglindol sa malaking bahagi ng Luzon.
Ayon kay Rev. Fr. Danilo Martinez, ang Social Action Director ng Archdiocese of Nueva Segovia, malaking pinsala ang dinulot ng lindol sa kanilang lalawigan kung saan marami sa mga residente ang naapektuhan ang kanilang mga tahanan at mga nagsilikas.
“Yun simbahan namin may damage tapos until now nagdadatingan yun mga report ng rapid assessment namin. Yun mga damage at mga tao at hanggang ngayon nakita namin kahit konti pa lang [ang napuntahan] marami na talagang na damage na Simbahan at mga bahay pero wala pang report ng casualty meron lang nasugatan kasi maraming nasa labas nung oras na yun,” pahayag ni Fr. Martinez sa panayam ng Radyo Veritas.
Sa ngayon aniya ay suliranin ang pagbili ng mga pangunahing pangangailangan sa Ilocos Sur dahil nagsara ang marami sa mga pamilihan.
Kasalukuyan naglalakbay si Fr. Martinez nang makapanayam ng Radyo Veritas kung saan galing sa Seminar sa Tagaytay City ay agad itong bumiyahe pabalik ng Ilocos Sur.
“Unang-una po nagpapasalamat po kami sa mga panalangin ninyo, marami po ang nasira at humihingi kami ulit ng tulong sa mga nakikinig sa mga may puso kailangan namin ng tulong, actually inutusan ko na ang mga staff ko to buy some relief goods pero sabi sa akin mostly ng [groceries] ay sarado wala pa kaming mabilhan ng kailangan namin sa relief operation,” wika ng Pari.
“Hopefully tomorrow pwede na kami mag start pero humihingi kami ng tulong lalo na sa mga nakikinig dahil kailangan namin ngayon ng immediate na tulong para sa mga nangangailangan at biktima ng lindol na ito,” dagdag pa ng Direktor ng Caritas Nueva Segovia.
Maliban sa pinsala sa mga kabahayan at establisyimento sa Ilocos Sur ay hindi rin nakaligtas sa pinsala ang ilan sa mga Simbahan at Parokya.
Batay sa mga ipinadalang larawan ng Caritas Nueva Segovia, napinsala ang St. William the Hermit Parish sa Magsingal Ilocos Sur, Our Lady of Hope Parish sa bayan ng Caoyan, St. John the Baptist Parish Church at St. Mark the Evangelist sa bayan ng Cabugao.
Una nang inihayag ni Nueva Segovia Archbishop Marlo Peralta na nasira ang facade ng Vigan Cathedral o ang Metropolitan Cathedral of the Conversion of St. Paul nma itinayo noon pang 1800.
Tingnan: https://www.veritasph.net/kaligtasan-ng-bawat-isa-sa-panganib-na-dulot-ng-lindol-panalangin-ni-archbishop-peralta/
Kaugnay nito, patuloy pa ang isinasagawang assessment ng iba’t-ibang mga sangay ng Simbahang Katolika hindi lamang sa Ilocos Sur kundi maging sa Diocese ng Bangued sa lalawigan ng Abra kung saan naitala ang epicenter ng lindol.(rowel)