293 total views
Sinusugan ng Caritas Manila Restorative Justice Prison Ministry ang naging deklarasyon ni Pope Francis na hindi katanggap-tanggap kailanman ang pagpapataw ng Death Penalty.
Ayon kay Caritas Manila RJ Program Coordinator Sr. Zeny Cabrera, kaisa ni Pope Francis at ng buong Simbahan ang Restorative Justice Prison Ministry sa pagtutol sa pagpapataw ng parusang kamatayan sa mga bilanggo.
Pagbabahagi ng Madre, dahil sa naturang paninindigan ay patuloy na gumagawa ng mga hakbang ang RJ Ministry upang makapasok sa mga bilangguan at maidama ang pagpapahalaga sa buhay ng mga bilanggo.
“Kami rin ang tayo ng RJ (Restorative Justice) hindi kami umaayon sa Death Penalty kaya naman dahil sa dahilan na ito, patuloy kaming pumapasok at pumupunta sa mga bilanguan dahil naniniwala kami na sa paraang ito maipapahayag sa mga kinauukulan, sa mga bilanggo na pinahahalagahan namin ang kanilang buhay…” pahayag ni Sister Zeny Cabrera sa panayam sa Radyo Veritas.
Ibinahagi ng Madre na kabilang sa mga programang ipinagkakaloob ng Caritas Manila Restorative Justice Prison Ministry sa mga bilangguan ay ang pagmumulat sa kamalayan ng mga bilanggo sa kahulugan ng pagiging tao, ang kahalagahan ng dignidad at ang mga karapatang tinataglay ng bawat isa.
“Iyan ang dahilan kung bakit kami pumapasok (sa mga bilanguan), kasi ang ibinibigay namin ay mga session, magpapakita na nagpapahalaga kami sa kahulugan ng pagiging tao, yung kanilang dignidad, yung kanilang karapatan at yung kanilang pangangalaga sa kanilang buhay at sa kanilang pamilya, yun ang patuloy na ginagawa, gawain yan ng RJ (Restorative Justice)…” Pagbabahagi ni Sister Cabrera.
Batay sa pinakahuling tala ng Bureau of Jail Management and Penology noong 2017 tinatayang umaabot na sa higit 131 – libo ang bilang ng mga bilango sa buong bansa na karamihan ay may kaugnayan sa ipinagbabawal na gamot.
Sa panlipunang katuruan ng Simbahan ang mga prisinto at mga piitan ay hindi dapat na magsilbing tapunan o lagakan sa mga nagkamaling indibidwal sa halip ay lugar kung saan muling maiaangat ang kanilang dignidad at kalagayan para sa muling pagbabalik ng kabutihan sa kanilang mga puso’t isip.
Naunang inihayag ni Pope Francis na bukod sa parusang kamatayan, hindi rin ito sang-ayon sa hatol na habang buhay na pagkabilanggo labag din sa dignidad ng tao.