581 total views
Napapanahong itaas sa Panginoon ang lahat ng pangyayari sa mundo sa tulong at gabay ng Mahal na Birheng Maria.
Ito ang mensahe ni Digos Bishop Guillermo Afable- National Spiritual Director ng World Apostolate of Fatima of the Philippines hinggil sa nangyaring kaguluhan sa Russia at Ukraine.
“In the midst of trials and tribulations this is not really the time to be overwhelmed by worries and anxieties instead it is a time for us to raise the banner of Jesus and Mary, the banner of the Divine Mercy and the banner of Our Lady,” pahayag ni Bishop Afable sa Radio Veritas.
Nakikiisa ng obispo ang isasagawang pagtatalaga sa Russia sa pangangalaga ng Kalinis-linisang Puso ni Maria na pangungunahan ni Pope Francis sa March 25 kasabay ng Dakilang Kapistahan ng Paghahayag ng Mabuting Balita tungkol sa Panginoon.
Sinabi ni Bishop Afable na hindi dapat nangyayari ang mga trahedya, kaguluhan at kalamidad sa mundo kung maingat at matapat ang tao sa Panginoon.
Matatandaang sa pagpapakita ng Mahal na Birheng Maria noong 1917 sa Fatima, Portugal kabilang sa mga mensahe ang kahilingang italaga ang Russia sa kanyang Kalinis-linisang puso.
Sinabi pa ng Mahal na Ina na kung pakikinggan ang kanyang kahilingan magkakaroon ng kapayapaan ang buong mundo subalit kung bigo itong maisakatuparan mangunguna ang Russia sa pagpapalaganap ng hindi pagkakasundo na hahantong sa kaguluhan.
“Kaya nga ang Our Lady of Fatima noong 1917 asks for prayer, repentance and consecration para yung kasamaan hindi hahantong sa trahedya; pwedeng hadlangan sa pamamagitan ng ating pagdarasal, pagbabalik-loob sa Diyos at pag-consecrate,” ani Bishop Afable.
Nauna nang itinalaga ng simbahang katolika ang buong mundo at Russia sa kalinga ng Mahal na Birhen noong October 31, 1942 sa pangunguna ni Pope Pius XII, at May 13, 1982; March 25, 1984 at October 8, 2000 sa pangunguna naman ni Pope St. John Paul II.
October 2013 naman ng muling itinalaga ni Pope Francis ang buong daigdig sa Kalinis-linisang puso ni Maria kasabay ng pagkahalal bilang pinunong pastol ng buong simbahang katolika.