320 total views
Suportado ng Diocese of Tarlac ang adhikain ng Department of Agrarian Reform na maipamahagi na ang lupang pag – aari ng Tarlac Development Corporation o TADECO na nasa loob ng Hacienda Luisita.
Iginiit ni Bishop Enrique Macaraeg na dapat ng ibigay ang lupang sakahan ng TADECO sa mga magsasaka nito na matagal ng nakikibaka sa lupaing nararapat naman para sa kanila at hinimok ang mga ito na patuloy na ipaglaban ang kanilang karapatan sa lupang agraryo.
Hiniling rin ni Bishop Macaraeg sa TADECO na sumunod sa sinasabi ng batas na nilagdaan ni Agrarian Reform Secretary Rafael Mariano ang Darco Resolution m-s 1608-234 na nag-aatas na ipamahagi na ang walong lupa na may kabuuang sukat na 358.22 hectare sa barangay Cutcut at Balete.
“Maganda kung maibibigay na sa kanila yung lupain lalo na at para sa kapakanan naman nila yan. Yung pag – aari ay nasa Tarlac Development Corporation o TADECO mainam kung maibibigay na sa mga tenants yung dapat na nagmamay – ari doon. Maipatupad yung ayon sa agrarian reform law. Ipagtuloy na ipaglaban yung kanilang karapatan dun sa lupang na naaayon sa sinasabi ng batas,” bahagi ng pahayag ni Bishop Macaraeg sa panayam ng Veritas Patrol.
Matatandaang kinontra ng TADECO ang nasabing notice na nauna ng inilabas ng DAR noong December 2013 kahit na sakop ito ng Comprehensive Agrarian Reform Program o CARP na mapapakinabangan sana ng mahigit 5 libong magsasaka.
Nakasaad sa panlipunang katuruan ng Simabahang Katolika na ang isang karapatang sa pribadong pagmamay – ari ay nararapat laging gamitin sa ikabubuti ng nakararami lalo ng mga mahihirap.