322 total views
April 27, 2020, 2:09PM
Inihayag ni Balanga Bishop Ruperto Santos na nanatiling bukas ang simbahan sa mga taong nangangailangan ng kalinga lalo na sa panahon ng krisis.
Ayon sa Obispo, magkatuwang ang simbahan at Sangguniang Panlalawigan ng Bataan para tugunan ang pangangailangan ng mga frontliners na kumakalinga sa mga may karamdaman.
Binigyang diin ni Bishop Santos na bagamat sarado ang mga simbahan dulot ng ipinatupad na enhanced community quarantine bunsod ng pandemic corona virus, nagbukas naman ang mga institusyon nito para lingapin ang mga walang masisilungan at ilang medical personnel.
“It is only the doors of the churches which are closed but our hands, our hearts are always open to them. We, the Diocese and the Provincial Government, are both right and left hands to our people. With our joint hands we carry, we care our people on their way to safety and sound health of body and spirit,” mensahe ni Bishop Santos sa Radio Veritas.
Ibinahagi ni Bishop Santos na binuksan ang Virgen Milagrosa del Rosario ang College Seminary ng Diyosesis ng Balanga para sa 26 na manggagawa ng Bataan General Hospital habang umiiral ang ECQ sa buong Luzon.
Sinabi ng Obispo na mahalagang magtulungan ang lahat ng sektor ng lipunan sa pagtugon sa pangangailangan ng mamamayan at sa kapakinabangan ng nasasakupan.
Unang nagbukas ang mga eskwelahan at iba pang institusyon ng simbahan sa Arkidiyosesis ng Maynila at ang Association of Major Religious Superior in the Philippines para sa mga medical personnel kung saan mahigit sa isanlibo ang kinakanlong.
Bukod sa pagpapatuloy, nililingap din ni Bishop Santos ang pangangailangang espiritwal ng mga frontliners sa pamamagitan ng pagdiriwang ng mga Banal na Misa.
“Aside from free board and lodging the Diocese provides spiritual nourishments. The Bishop celebrates Holy Masses on Sunday and Thursday at 11am at the seminary chapel,” ani ni Bishop Santos.