221 total views
Tiniyak ni Balanga Bishop Ruperto Santos na nakahanda ang Simbahang Katolika sa paglingap sa mga dukha sa pamayanan na mangangailangan ng tulong tulad ng pagpapagamot na kadalasang inilalapit sa Philippine Charity Sweepstakes Office o PCSO.
Ito ang pahayag ng Obispo kasabay ng pagpatigil ni Pangulong Rodrigo Duterte sa operasyon ng mga gaming scheme ng PCSO na pangunahing pinagkukuhanan ng pondo ng ahensya para sa mga social services sa publiko.
“The Church is always there, always available for the poor,” mensahe ni Bishop Santos sa Radio Veritas.
Sinabi ni Bishop Santos na sa pagpatigil ng gaming scheme ng PCSO ay paiigtingin ng Simbahan ang mga programang makatutulong sa mahihirap na mamamayan sa bansa.
Ayon sa Obispo, ang bisyo ng pagsusugal ay nagiging ugat ng krimen at korapsyon sa lipunan kaya’t mahalagang maiwasan ito ng tao bago tuluyang magumon sa pagbibisyo.
“It is very inspiring and encouraging decision of the president to cancel, stop Lotto outlets. All are winners, better future is secured, and morality is uphold,” mensahe ni Bishop Santos sa Radio Veritas.
Ika – 25 ng Hulyo nang ipinag-utos ni Pangulong Duterte ang pagpatigil sa lahat ng gaming schemes ng PCSO dahil sa matinding katiwalian ng ahensya na kinasasangkutan ng iba’t-ibang opisyal.
Binigyang diin ng pangulo ang lahat ng sugal sa ilalim ng prankisa ng PCSO ay dapat na mahinto tulad ng Lotto, Small Town Lottery at ang Peryahang Bayan.
“With stoppage of Lotto is a challenge for the Church to do more for the poor, inspiration for her to be more ready to help, to assist our people especially the needy and the poor,” saad pa ni Bishop Santos.
Hinimok naman ng Malakanyang ang mga Filipinong humihingi ng tulong medikal sa PCSO na sumulat sa Office of the President upang matugunan ng gobyerno ang kanilang pangangailangan.
Iginiit ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na may inilaang pondo ang pangulo para ibigay sa mga pasyenteng umaasa sa mga programa ng PCSO.
Sa kasalukuyan higit na sa 23, 000 outlets ang naipasara kung saan 7, 768 ang lotto outlets, 13, 320 small town lottery kiosks, 2, 194 na Peryahang bayan habang 472 naman ang Keno shop.
Umaasa si Bishop Santos na ipagpatuloy ni Pangulong Duterte ang mga hakbang sa pagpigil ng korapsyon sa lipunan para sa kapakanan ng mga Filipino.
“We pray and hope that the president will remain steadfast to stop lotto, and continue to eradicate any form of gambling in our country.” giit ng Obispo.