14,664 total views
Naniniwala ang isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na mahalaga ang tungkuling ginagampanan ng Simbahang Katolika saan mang panig ng mundo upang magsilbing kanlungan ng mga mananamapalataya lalo’t higit ng mga Pilipino na naghahanapbuhay at naninirahan sa ibayong dagat.
Ito ang bahagi ng mensahe ni Novaliches Bishop Roberto Gaa -chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Vocation sa nakalipas na paggunita ng diyosesis sa 110th World Day of Migrants at Refugees at 38th National Migrants Sunday.
Ayon sa Obispo, bagamat hindi karaniwang aktibo sa Simbahan ang mga Overseas Filipino Workers dito sa Pilipinas ay hindi naman maikakaila ang kanilang matinding pananampalataya at partisipasyon sa mga gawaing pang-Simbahan sa iba’t ibang bansang kanilang kinaroroonan.
Paliwanag ng Obispo, ang Simbahan ang nagsisilbing pansamantalang kanlungan at takbuhan ng mga OFW na dumaranas ng pangungulila dahil sa matagal na pagkawalay sa kanilang mga mahal sa buhay na naiwan ng Pilipinas.
“OFWs may not be as active in the Church while in the country, but when working in a foreign land, they are always seen inside the Church… The Church becomes a sanctuary for them, a place of solace amidst the isolation of being away from their loved ones.” Bahagi ng pahayag ni Bishop Gaa.
Tema ng magkaalinsabay na paggunita ng 110th World Day of Migrants and Refugees at 38th National Migrants Sunday ang “God Walks With His People” na layuning ihayag ang tuwinang pakikilakbay ng Panginoon sa buhay ng bawat isa.
Sa datos ng pamahalaan, umaabot na sa 10-milyon ang mga Filipino na nagtatrabaho at naninirahan sa ibayong dagat na unang kinilala ng Santo Papa Francisco bilang ‘smugglers of faith’ dahil sa masigasig na pagpapahayag ng pananampalataya at pagiging katuwang ng Simbahan sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita sa mga bansang kanilang pinaglilingkuran.