1,015 total views
Inaanyayahan ng Arkidiyosesis ng Maynila ang mamamayan na paigtingin ang pagtulong sa mahihirap sa lipunan.
Kasunod ito ng matagumpay na paggunita ng Commission on Social Service and Development (CSSD) ng World Day of the Poor sa Saint Vincent De Paul Parish Paco Manila kung saan umabot sa 500-mahihirap na indibidwal at street dwellers ang nabigyan ng tulong.
Ayon kay Father Eric Adoviso – Commissioner ng CSSD – mahalagang maisabuhay ang pagtulong sa mga nangangailangan sa anumang pagkakataon hindi lamang sa loob ng isang araw.
“Yung mensahe natin katulad ng sinabi ni Pope Francis ang World Day of the Poor ay hindi lang isang araw na pagdiriwang kung hindi ito ay pamumuhay, ito ay isang uri ng pamumuhay ng simbahan na kung saan siya’y nakikiisa, lumalahok sa buhay ng mga mahihirap. Ang misyon naman ng sibmahan ay total human development hindi lang naman espiritwal kungdi pangkabuoang misyon ito ng simbahan,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Father Adoviso.
Iginiit naman ni Father Anton CT Pascual, executive director ng Caritas Manila at Radio Veritas President ang kahalagahan ng pagkakaisa ng simbahan, ahensya at grupo upang mapaigting ang pagtugon sa pangangailangan ng mga mahihirap.
“Mahalaga yung sila’y makapag-hanapbuhay, sila’y makabalik sa probinsya kung kailangan o makapag negosyo at mahanap natin ng mapagkakakitaan dito sa Maynila, at ang mga bata dapat nag-aaral at hindi humihinto para patuloy ang kinabukasan na makalaya sa kahirapan kaya ipagdasal po natin sila,” ayon naman sa panayam ng Radio Veritas kay Father Pascual.
Labis naman ang pasasalamat ng mga naging benepisyaryo na sila Angel Dioction at Rogelio Taniegra sa CSSD, Caritas Manila at iba pang ahensya na katuwang upang maisakatuparan ang programa.
Ang mga mahihirap ay pinagsilbihan ng simbahan sa paghahandog ng libreng pakain, pagligo, at pagpapagupit sa mga mahihirap at mga food packs at Hygiene kits na mula sa Caritas Manila.