294 total views
Magpapatuloy ang Simbahan bilang Sanctuary ng mga nangangailangan ng tulong at kalinga.
Ayon kay Archbishop Emeritus Oscar Cruz, matagal na itong gawain ng Simbahan lalo na sa mga taong inaakalang walang kasalanan subalit napaparatangang nagkasala.
Sinabi ng Arsobispo na hindi ito ang unang pagkakataon na naging kanlungan ang Simbahan sa mga inuusig at maling pinaparatangan.
“Ang Simbahan ay noon pa ‘middle ages’ meron na po siyang sinusunod na sinasabing ‘right to sanctuary’. Ibig sabihin karapatan para humingi ng pagtatanggol o pagkukubli. At ang binibigyan ng right to sanctuary ‘yung inaakala ng taong simbahan na walang kasalanan, na inosente naman kaya lang accused ng mga paratang mali. So matagal na. Noong ako man ay lumaban sa jueteng, nagbibigay din ako ng sanctuary sa mga whistleblowers,” pahayag ni Archbishop Cruz sa panayam ng programang Veritas Pilipinas.
Sa inilabas na pahayag ni CBCP President, Lingayen Dagupan Archbishop Socrates Villegas sinabi nitong may isang pulis na humihingi ng tulong sa simbahan upang isiwalat ang kaniyang nalalaman hinggil sa ‘quota’ o pagpaslang sa mga hinihinalang adik.
Sa Diocese of Caloocan, humingi rin ng pagkukubli sa simbahan ang ilang mga testigo sa pagpatay kay Kian Loyd Delos Santos na pinaslang ng mga pulis.
Una na ring umani ng batikos ang pamahalaang Duterte sa kanilang giyera kontra droga dahil sa pagpaslang sa estudyanteng si Delos Santos na kabilang sa 30 kabataan na napatay sa Caloocan dahil sa operasyon kontra droga.
Sa loob ng dalawang taong kampanya ng pamahalaan kontra droga, may higit na sa 13-libo ang napapatay na iniuugnay sa ilegal na droga kabilang ang may 4,000 katao na namatay sa ginawang police operations.
At bilang tugon naman ng simbahan sa pagsugpo ng ilegal na droga, bumuo ang ang iba’t-ibang Simbahan ng community based rehabilitation sa mga drug dependent na nais na magbago na higit sa binibigyang diin ang pagpapatibay ng kanilang pananampalataya.
Ang Archdiocese of Manila ay may Sanlakbay Tungo sa Pagbabagong Buhay ay may higit na sa 20 mga simbahang may community drug rehabilitation mula sa kabuuang 94 na parokya.
Read: Misa ng pasasalamat sa 100-graduates ng church drug rehab, pangungunahan ni Cardinal Tagle
Read: Simbahan bukas ang pintuan sa mga nangangailangan ng tulong