383 total views
Itinuturing ng dating Obispo ng Apostolic Vicariate of Taytay Palawan na isang matinding pagsubok para sa probinsya ang nakatakdang plebisito sa ika-13 ng Marso,2021.
Sa pamamagitan ng Save Palawan Movement, ibinahagi ni Taytay Palawan Bishop Emeritus Edgardo Juanich ang pagkadisma sa planong paghahati sa lalawigan ng Palawan dahil sa mga pampersonal at pampulitikang interes.
Bunsod nito, hinikayat ng Obispo ang mga makikibahagi sa plebisito na bumoto ng ‘No’ at manindigan para sa iisang probinsya ng Palawan.
“Humaharap man tayo sa matinding pagsubok dito sa ating probinsya dahil sa darating na March 13 ang nag-iisang probinsya natin ay hahatiin at ang malungkot lumalabas talaga na ito ay may pampersonal na interes mula po sa puso ng inyong lingkod sa darating na plebisito, ‘No’ po ang ating iboto, one Palawan po tayo.” pahayag ni Bishop Juanich.
Naninindigan rin ang kura paroko ng La Inmaculada Concepcion Parish sa Culion, Palawan na si Rev. Fr. Roderick Yap Caabay laban sa planong paghahati sa probinsya ng Palawan.
Ipinaliwanag ng Pari na tanging mga pulitiko lamang ang makikinabang sa planong paglikha ng tatlong probinsya sa Palawan at hindi ang mga ordinaryong mamamayan.
Bukod dito, inaalala rin ni Fr. Caabay na sa halip na sa serbisyo publiko ilaan ang pondo ng bayan para sa probinsya ay mauuwi lamang ito sa mga dagdag gastos sa pasahod ng mga bubuo sa tatlong kapitolyo sa Palawan.
“Bilang Paring Palaweño, ako po’y tutol sa paghahati ng Palawan sa tatlo. Una po dahil sa tingin natin ang paghahating ito ay hindi para sa Palaweño kundi para lamang sa pulitiko. Pangalawa tutol po tayo dahil sa kalikasan wala pong aral ito sa kalikasan at pangatlo alam po natin na ito ay dagdag gastos po sapagkat sa tatlong kapitolyo ibig sabihin tatlong gobernador ang papaswelduhin natin, tatlong bise, ang lahat ng ito ay mauubos lamang po sa pasweldo ng mga empleyado at wala na pong serbisyo publiko ang makakarating sa ating mga ordinaryong mamamayan, kaya para sa akin vote “No”.” Paliwanag ni Fr. Caabay.
Nakatakda ang plebisito sa ika-13 ng Marso na naglalayong magkaroon ng ratipikasyon ang Batas Republika bilang 11259 na maglilikha sa tatlong magkakahiwalay na probinsya sa Palawan at pagtatatag ng Palawan del Norte, Palawan Oriental at Palawan del Sur.
Manu-mano ang sistema ng pagboto sa nakatakdang plebisito kung saan isusulat ng mga kuwalipikadong botante na makibahagi sa plebisito ang salitang “Yes” o “Oo” o pabor sa paglilikha ng tatlong probinsya sa Palawan at “No” o “Hindi”sa nais na mapanatili ang kasalukuyang iisang probinsya ng Palawan.