201 total views
Nanawagan ng pagtulong sa mga nasalanta ng Super Typhoon Lawin sa Hilagang Luzon si Caloocan Bishop Emeritus Deogracias Iniguez –Chairman ng Ecumenical Bishops Forum.
Hinimok ng Obispo ang mga mamamayan na makibahagi sa pananalangin para sa kalakasan at muling pagbangon ng mga naapektuhan ng magkasunod na bagyong Karen at Lawin sa Hilagang Luzon.
Bukod dito, nagpaabot rin ng pakikiisa at panalangin si Bishop Iniguez sa mga nasalanta ng bagyo at binigyang diin ang kahalagahan ng patuloy na pananampalataya sa Panginoon sa kabila ng anumang pagsubok.
“Isa na namang bagyo ang sumalanta sa isang bahagi ng ating bansa, ito’y ating ikinalulungkot ngunit alam natin na ang Panginoon ay meron ding balak na maganda na naririto at sana ito ay manggayari kaya sa lahat ng mga nasalanta, ipinapaabot namin ang aming pakikiramay at nawa yung mga hindi nasalanta ay makiisa sa inyong kalagayan sa pananalangin at sa pagdadala ng anumang maitutulong nila para sa inyo sa katayuang ito, pero nawa manalig tayong lagi sa Panginoon na sa pagpapahintulot niya ng pangyayaring ito alam nating meron ding kabutihan na susunod”pahayag ni Bishop Iniguez sa Radio Veritas.
Sa inisyal na ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) tinatayang aabot sa 90-libong indibidwal ang naapektuhan ng super typhoon Lawin mula sa may 118-mga barangay sa mga lalawigan ng Ilocos, Cagayan, Gitnang Luzon, Bicol at Cordillera.
Tinatayang nasa higit 3,900 mga pamilya ang nawalan ng tahanan habang nasa 18-libo naman ang pansamantalang nananatili sa mga evacuation centers.
Sa tala ng PAGASA, ang Super Typhoon Lawin na ang ika-labing-dalawang bagyong pumasok sa Philippine Area of Responsibility mula sa karaniwang higit 20-bagyo kada taon.
Sa kasalukuyan, inihahanda na ng Caritas Manila, Caritas Philippines, Quiapo church at iba pang church institutions ang tulong para sa mga naapektuhan ng magkasunod na bagyo sa Hilagang Luzon.