375 total views
Mga Kapanalig, ipinamalas muli ni Pope Francis ang kanyang pagiging ”inclusive” o ang kanyang pagkilala sa kakayanan ng sinumang makapag-ambag.
Nitong buwan ng Hulyo, nagtalaga siya ng tatlong babae sa komiteng magpapayo sa kanya sa pagpili ng mga bagong obispo sa iba’t ibang lugar. Dalawa sa kanila ay mga madre—isang Italyanong kasalukuyang deputy governor ng Vatican City, at isang Pranses na dating superior general ng isang kongregasyon. Ang isa naman ay layko mula sa Argentina at presidente ngayon ng World Union of Catholic Women’s Organizations. Ang hakbang na ito ng Santo Papa ay nagbibigay ng mataas at maimpluwensiyang posisyon sa mga babae sa Simbahang Katolika. Unang beses itong nangyari sa isang komiteng binubuo ng hanggang 30 lalaki na karaniwan ay mga kardinal, obispo, at pari.
Sa pamamagitan ng pagtatalaga ng mga babae sa mga posisyong gumagawa ng mabibigat na desisyon, unti-unti ngang binubuksan ng ating Santo Papa ang pagkakataong makaambag ang kababaihan sa mga usapin ng Simbahan. Nauna na niyang hinirang ang isang madre sa pangalawang pinakamataas na posisyon sa isang opisina sa Vatican na nangunguna sa mga isyu ng hustisya at kapayapaan. Isa ring madre ang itinalagang maging punong-abala sa mga pagpupulong ng mga obispo o Synod of Bishops. Mga laykong babae naman ang naging kauna-unahang direktor ng Vatican Museums at pangalawang direktor ng Vatican Press Office.
Ipinamalas ni Pope Francis, bilang isang tunay na alagad ng Diyos, na kanyang tinutularan sa pagiging inklusibo ang ating Panginoong Hesukristo. Nakisalamuha si Hesus sa mga babae noong kapanahunan Niyang nakararanas ng diskriminasyon ang kababaihan. Narito ang tatlong halimbawa. Una, matutunghayan natin sa Juan 4:7-26 ang pakiusap at pakikipag-usap ni Hesus sa isang babaeng Samaritano, na isang dayuhang kabilang sa ibang relihiyon. Pangalawa, sa Lucas 10:38-42, dumalaw ni Hesus sa magkapatid na Martha at Maria. Pangatlo, sa Juan 20:11-18, nalaman nating naging unang saksi sa muling pagkabuhay ni Hesus si Maria Magdalena, ang babaeng pinagaling ni Hesus mula sa mga sumasanib na masasamang espiritu at tuluyang naging disipulo Niya.
Sa ating bansa, masasabi nating may mas malawak nang pagkakataon para sa mga babaeng makapag-ambag. Ayon sa isang ulat ng LinkedIn, ang pinakamalaking professional network sa internet, pang-apat ang Pilipinas sa 36 na bansa kung ang pag-uusapan ay ang pagkakaroon ng mga babaeng lider. Sa mga propesyunal na posisyong hawak ng mga babae, 40% ay bise-presidente habang 32% ang nakaupo sa pinakamataas na executive positions ng mga kompanya. Matataas ang mga numerong ito kung ikukumpara sa ibang bansa. Ngunit sinabi rin sa pag-aaral ng LinkedIn na marami pa ring mga balakid na kinakaharap ang mga babae sa kanilang trabaho kung ikukumpara sa mga lalaki. Sa sektor ng kalusugan sa Pilipinas, halimbawa, 60% ng mga manggagawa ay mga babae ngunit nasa 45% lamang ng mga leadership positions ang hinahawakan ng mga babae.
Mga Kapanalig, malayo na ang narating ng mga babae sa iba’t ibang larangan, ngunit ang mabigyan sila ng pantay na access sa mga oportunidad sa ating Simbahan ay isang usaping kailangang harapin natin bilang bayan ng Diyos kung tunay nating pinahahalagahan ang dignidad ng bawat isa. Ang lahat sa atin, anuman ang ating kasarian, ay narito upang mag-ambag sa kapakanan ng lahat, hindi para makipagkompitensya. Narito tayo upang makipagtulungan, hindi para makipag-agawan. Sa huli, sa mata ng ating Panginoon, ang bawat isa, lalaki man o babae, ay Kanyang nilikha sa layunin at hangaring maging magkatuwang ang lahat sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita sa ating masalimuot na mundo. Maging simula sana ang ginagawa ngayon ni Pope Francis ng tunay na pagkilala sa mahalagang papel ng mga babae sa ating Santa Iglesia.