2,153 total views
Hinimok ng opisyal ng Pontificio Collegio Filippino ang mananampalataya na pag-ibayuhin ang paglingap sa kapwa.
Ayon kay PCF Rector Fr. Gregory Ramon Gaston, ito ang puso sa gawain ng Caritas Internationalis na nangunguna sa mga kawanggawa ng simbahan sa pamayanan.
Ipinaliwanag ng pari na ang simbahan ay hindi maihalintulad sa non-government organization dahil bawat gawain nito ay may kaakibat na pagmamahal at pagpapalago ng espiritu santo.
“Lahat ng itinutulong natin, ginagawa ng simbahan ay ultimately patungo sa espiritwal; kung may ginagawa man tayo mga outreach (program), apostolate lahat ito ay magdadala sa atin mapapalapit sa Panginoon, sa ganitong paraan mai-share natin ang Panginoon sa ating kapwa,” pahayag ni Fr. Gaston sa Radio Veritas.
Kamakailan ay nagtipon sa Roma ang mga kinatawan ng Caritas network mula sa 167 mga bansa sa ginanap na 22nd General Assembly kung saan nagbigay ng panayam si Caritas International President Emeritus Filipino Cardinal Luis Antonio Tagle.
Sinabi ni Fr. Gaston na bagamat hindi na si Cardinal Tagle ang pangulo sa social arm ng simbahan ay inatasan naman ito ng Santo Papa Francisco na makipag-ugnayan sa iba’t ibang Caritas organizations sa mga diyosesis sa buong mundo.
Sa pagtitipon naihalal si Tokyo Archbishop Tarcisius Isao Kikuchi bilang pangulo ng charity arm ng Vatican ang ikalawang Asyanong mamahala sa organisasyon kasunod ni Cardinal Tagle.
Hinimok ni Fr. Gaston ang mamamayan na patuloy ipanalangin ang Santo Papa at si Cardinal Tagle sa mga misyong ginagampanan sa simbahan gayundin ang bagong pamunuan ng Caritas Internationalis na mangunguna sa pagtulong sa mahihirap na pamayanan at mga biktima ng iba’t ibang uri ng kalamidad.