269 total views
Ito ang tiniyak ni Rev. Fr. Anton CT Pascual, Pangulo ng Radio Veritas at Executive Director ng Caritas Manila bilang tugon sa inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang ikatlong State of the Nation Address na magpapatuloy ang kampanya ng Pamahalaan kontra ipinagbabawal na gamot at pakikipaglaban sa Korapsyon.
Ayon kay Fr. Pascual, nakabubuti sa Bansa at sa mamamayan ang hangarin ng Pangulo kaya nararapat lamang na ipagpatuloy ito.
Nilinaw ng pari na dapat pairalin ng pamahalaan ang batas sa paglunsad at pagtugis sa mga sangkot sa iligal na droga at hindi basta na lamang paslangin dahil labag ito sa utos ng Diyos.
“Maganda naman ang programa ng ating Presidente laban sa iligal na droga, Sa korapsyon sa Gobyerno at Kriminalidad, ipagpatuloy niya yan at kakampi niya ang buong Sambayanan lalong lalo na ang simbahan siyempre ang ayaw lang naman natin ay yung pumapatay sapagkat hindi tungkulin ng tao ang pumatay sabi nga ng Diyos Huwag kang Papatay.” pahayag ni Fr. Pascual sa Radio Veritas.
Umaasa ang pari na higit na mamayani ang Pagmamahal at Pagmamalasakit ng bawat isa lalo na sa mga Dukha na kadalasang biktima ng Kawalan ng Katarungan sa sunod-sunod na pagpaslang dulot ng malawakang Giyera kontra Droga.
Batay sa tala ng mga Human Rights group mahigit sa 20-libo na ang mga nasawi na iniuugnay sa kalakalan at paggamit ng ipinagbabawal na gamot.
Bukod dito, Inihayag rin ni Fr. Pascual na dapat palakasin ng pamahalaan ang collection efficiency sa pamamagitan ng Bureau of Internal Revenue upang matustusan ang iba’t ibang Proyekto nito tulad ng Build Build Build Program.
Aniya, Suportado ng Simbahan ang programang Pang-Imprastraktura ng pamahalaan ngunit dapat isaalang-alang din ang kapakanan ng mga mahihirap na labis naapektuhan sa pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin dulot ng pagpapatupad ng Tax Reform for Accelaration and Inclusion (TRAIN) Law.
Hamon ng pari kay Pangulong Duterte na tuluyang alisin ang Korapsyon sa iba’t ibang sangay ng Pamahalaan upang magamit sa wastong pamamaraan ang kita ng Gobyerno.
“Dapat ang Presidente ayusin niya muna ang mga korap sa loob ng Pamahalaan para makakolekta ng maayos ang pamahalaan, kapag naka 25% na kolekta daw na Collection Efficiency may marami ng Pondo para sa Build Build Build!.” dagdag ng Pari.
Una nang tinuran ng Kaniyang Kabanalang Francisco na kaakibat sa pagsulong ng Bayan ay ang pag-unlad ng mga mamamayan na walang naisasantabing Sektor ng lipunan.