182 total views
Nagpahatid ng pagbati ang mga lider ng Simbahang Katolika sa pagtatapos ng pagdiriwang ng mga Muslim sa Eidl Fitr.
Ayon kay Ozamis Archbishop Martin Jumoad, nawa ang isang buwang pagdiriwang ay maging daan para sa kapayapaan at pagkakaisa ng mga Filipino maging sa ibang panig ng mundo.
“Mga minamahal kong kapatid na Muslim ako po ay taospusong nagpapasalamat sa pagdiriwang niyo ng Eidl Fitr. Sana po ang pagdiriwang na ito ay magdala sa atin sa kapayapaaan at sa buhay na walang hanggan. Sana po ang celebration ay maging tulay para tayo po ay magkaisa para wala nang digmaan, kasi tayo po ay magkakapatid.” panalangin ni Archbishop Jumoad.
Sinabi naman ni Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo na ang diwa ng pagdiriwang ay maghatid ng pagbabalik-loob ng bawat isa sa Diyos at maabot ang adhikain ng bawat isa tungo sa kapayapaan.
“Sa mga kapatid kong Islam at sa aking mga kababayan sa pananampatalayang Islam isang taos pusong pagbati ng kapatiran at pagkakaisa.Nawa ang Ramadan ay naging makahulugan at nagbunga ng pagbabalik loob sa Diyos ng lahat ng ating kapatid sa Islam. Ako’y naniniwala na maabot natin ang inaasam na kapayapaan para sa lahat kung ang bawat isa sa atin ay magkakaroon ng pagbabalik loob sa Diyos,” ayon kay Bishop Bagaforo.
Kapwa umaasa si Archbishop Jumoad at Bishop Bagaforo na magwawakas na rin kaguluhan at labanan sa Mindanao na isang buwan nang nasa ilalim ng martial law.
Sa kasalukuyan, hindi pa rin lubos na nababawi ng pamahalaan ang Marawi city sa pananakop ng Maute group bagama’t naghahanda na sa isasagawang rehabilitation ng mga nasirang gusali at establisimyento.
Sa ulat, higit sa 300 libo katao na ang sapilitang lumikas sa kani-kanilang tahanan para sa kanilang kaligtasan, habang patuloy pa ring tumataas ang bilang ng mga nasasawi na higit na sa 300-katao.
Patuloy ding dumaranas ng paghihirap at hinagpis sa mga evacuation center ang mga apektado ng labanan sa Marawi.
Patuloy naman ang panalangin ng Santo Papa Francisco para kapayapaan sa buong mundo lalu’t ang digmaan ay walang maidudulot na kabutihan sa lipunan kundi pagkasira ng buhay at kabuhayan.