276 total views
Ito ang tiniyak ni Caritas Manila executive director at Radio Veritas President Father Anton CT Pascual sa panayam ng himpilan ng katotohanan at TV Maria.
Nilinaw ni Father Pascual na ang Simbahan at pamahalaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ay magkakampi sa common good ng lahat ng mamamayan lalo na sa kampanya laban sa ilegal na droga.
Ayon kay Father Pascual, kaisa ng Pangulong Duterte ang Simbahan sa kampanya para;
1. Hulihin ang lahat ng drug lord at pusher.
2. Ibulgar ang mga pangalan ng konektado sa droga.
3. Litisin agad at ikulong ang mga magkasala sa bayan na sangkot sa droga.
4. Rehabilitasyon ng mga addict.
5. Bigyan ng livelihood at skills training para magkaroon ng alternatibo sa hanapbuhay ang dating adik.
6. Magturo ng values formation sa mga dating adik.
7. Magkaroon ng counselling sa mga dating adik at pamilya.
8. Ilapit sa Diyos ang mga nagbabalik loob at nais magbagong buhay.
9. Linisin ang pamahalaan sa lahat ng konektado sa droga at kasuhan.
10. Ibalik ang tiwala sa pamahalaan na tunay na paglilingkod sa bayan.
Sinabi ng pari na sa mga nabanggit ay nagkakasundo ang pamahalaan at Simbahan.
Inihayag ni Father Pascual na bunsod ng hangaring ito ay itinatag ng Archdiocese of Manila sa pangunguna ng Caritas Manila Restorative Justice Ministry katuwang ang LGUs, D-O-H at iba pang chucrh institution ang “Sanlakbay Tungo sa Pagbabago” program na naglalayong tulungang maging kapaki-pakinabang na mamamayan ang mga naligaw ng landas.
Ang Sanlakbay program ay itinatag sa 80-parokya na nasasakop ng Archdiocese of Manila.
Nauna rito, hinimok ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang mga drug dependents na sumailalim sa Sanlakbay program ng Simbahan.
See:http://www.veritas846.ph/simbahan-bukas-ang-pintuan-sa-drug-dependents-cardinal-tagle/
Sa kasalukuyan, umaabot na sa 3,600 ang napapatay sa war on drugs ng pamahalaan kabilang na ang 1,300 drug suspects na nasawi sa pakikipaglaban sa mga otoridad simula June 30 hanggang sa kasalukuyan kung saan 36-katao ang namamatay kada araw.
Sa datos, kabuuang 23,500 ang inilunsad na raid ng Philippine National Police kung saan 22,250 drug suspects at dealers ang naaresto.
Umaabot naman sa 732,000 drug addicts ang sumuko sa mga otoridad sa takot na mapatay sa pina-igting na kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga sa buong bansa.