243 total views
Tiniyak ng pamunuan ng Simbahang Katolika sa Pilipinas na tinutugunan ang mga usaping pang-aabuso na kinasangkutan ng mga lingkod ng Simbahan.
Ito ang pahayag ni Rev. Fr. Jerome Secillano, Executive Secretary ng CBCP-Permanent Committee on Public Affairs hinggil sa ginanap na pagtitipon ng mga Obispo sa Vatican kasama ang Kaniyang Kabanalan Francisco kung saan tinalakay ang mga pang-aabuso ng mga Pari.
Sinabi ni Father Secillano na tinutugunan ng Simbahan ang suliranin ng pang-aabuso ng mga pastol ng Simbahan at pinapatawan ng kaukulang parusa ang mapatutunayang nagkasala.
“Yes, they are being addressed. Priests are investigated and some are sent to a facility for reformation, while others are either suspended or defrocked (laicizised),” mensahe ni Fr. Secillano sa Radio Veritas.
Sa katatapos na Summit on Sexual Abuse sa Vatican noong nakalipas na linggo na pinamagatang “The Protection of Minors in the Church” inamin ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle na isa sa mga tagapagsalita sa pagtitipon na nagdulot ng malalim na sugat sa puso ang tila pagbalewala ng Simbahan sa paghihirap ng mga biktima ng pang-aabuso.
Subalit nilinaw ni Fr. Secillano na hindi lamang Pilipinas ang tinukoy ni Cardinal Tagle kundi ang buong Simbahan Katolika sa mundo.
Inihayag ni Cardinal Tagle na hindi laganap ang pangmomolestiya ng mga menor de edad sa Pilipinas kumpara sa ibang mga bansa.
“Compared to other countries, child molestation is not that prevalent in the country,” ani ni Fr. Secillano.
Unang inamin ng Simbahan ang mga pagkakamaling kinasangkutan ng mga Pari kasabay ng paghingi ng paumahin.
Tinitiyak din ng Simbahan na magtutulungan sa pagtugon sa pang-aabuso at mabigyang katarungan ang mga biktima habang gumagawa ito ng mga hakbang para malinis ang Simbahan mula sa pagkakasala.
Sa pahayag noon ni Lingayen Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz, 14 na kaso ng pang-aabuso ang iniimbestigahan ng National Tribunal of Appeals ng CBCP na pinamunuan ng Obispo.
Sinisiyasat ng grupo ang pang-aabusong sekswal ng mga Pari at ang mga tinaguriang Priest-Fathers at ito rin ang humahawak ng kaso ng annulment sa mga kasal ng Simbahang Katolika.
Kaugnay dito, inihayag ni Fr. Secillano na walang wastong bilang ang biktima ng pang-aabuso ng mga Pari dito sa Pilipinas.
“Not only minors but adults as well. When speaking of adults, we speak perhaps of consensual affairs,” pahayag ni Fr. Secillano.
Binigyang diin ni Fr. Secillano na ang pangmomolestiya ng mga menor de edad at pakikipagrelasyon ng mga Pari ay kapwa kasalanan at labag sa kautusan ng Diyos partikular sa sinumpaang nito bago maging ganap na Pari ang celibacy o hindi pag-aasawa.
Sa kabila ng iba’t-ibang hamon ng mga Pari at lahat ng mga naglilingkod sa Simbahan, hinimok ni Archbishop Oscar Cruz ang mananampalataya na patuloy ipanalangin ang Simbahang Katolika at katatagan ng mga Pari na dumaranas ng iba’t-ibang pagsubok sa kanilang paglilingkod sa Panginoon.