206 total views
Tinanggap ni Pope Francis ang maagang pagbibitiw sa tungkulin ni Bishop Edgardo Juanich ng Apostolic Vicariate ng Taytay at itinalaga si Fr. Reynante Aguanta bilang pansamantalang tagapangasiwa.
Ang 66 na taong gulang na si Bishop Juanich ay nagbitiw bunsod na rin ng kaniyang kalusugan.
Si Bishop Juanich ay isinilang noong April 29, 1952 na inordinahang pari noong 1976 at itinalagang Obispo ng Taytay Palawan noong 2002.
Siya ay nagsilbing pari sa loob ng 42 taon at nagsilbing Obispo ng Apostolic Vicariate ng Taytay sa loob ng 16 na taon.
Ang Apostolic Vicariate of Taytay ay binubuo ng 34 na mga pari na siyang nangangasiwa sa 22 parokya at higit sa 300 libong mga katoliko.
10 DIYOSESIS ‘sede vacante’
Bunsod nang maagang pagbibitiw ni Bishop Juanich, may sampung diyosesis na sa Pilipinas ang walang nangangasiwang Obispo.
Kabilang na dito ang Butuan makaraan ang pagkamatay ni Bishop Juan de Dios Pueblos noong October 2017; ang diyosesis ng Daet nang ilipat naman sa Archdiocese ng Lipa, Batangas ang ngayo’y si Archbishop Guilbert Garcera.
Nabakante rin ang diyosesis ng Iligan dahil sa pagkasawi ni Bishop Elenito Galido.
Ang diyosesis sa kasalukuyan ay pansamantalang pinangangasiwaan ni Bishop Severo Caemare na siya ring obispo ng Diyosesis ng Dipolog.
Ang Prelatura ng Isabela ay wala ring kasalukuyang Obispo nang italaga naman bilang arsobispo ng Ozamis si Archbishop Martin Jumoad; ang Vicariate ng Jolo Sulu nang ilipat si Bishop Angelito Lampon bilang arsobispo ng Cotabato makaraan ang pagreretiro ni Orlando Cardinal Quevedo.
Habang ang diyosesis ng Malolos ay kasalukuyang pinangangasiwaan ni Cubao Bishop Honesto Ongtioco dahil sa pagkamatay ni Bishop Jose Oliveros noong Mayo 2018.
Itinalaga rin bilang pansamantalang tagapangasiwa ng Military Ordinariate si Cebu auxiliary Bishop Oscar Jaime Florencio.
At ang San Jose de Antique ay wala ring Obispo makaraang italaga bilang arsobispo ng Jaro-Iloilo si Archbishop Jose Romeo Juanito Lazo kapalit ng nagretirong si Archbishop Angel Lagdameo.
Nasa ilalim rin ng pangangasiwa ng mga itinalagang postolic administrator ni Pope Francis ang Vicariate ng San Jose, Mindoro at Taytay.
Bishop Antonio, itinalagang obispo ng Ilagan
Itinalaga naman ng kaniyang kabanalan Francisco ang kasalukuyang Auxiliary Bishop ng Nueva Segovia na si Bishop David William Antonio bilang bagong Obispo ng Diyosesis ng Ilagan, Isabela.
Ito ay kasunod na rin ng pagbibitiw ni Bishop Joseph Nacua noong 2017 na nooy 72 taong gulang dahil na rin sa kanyang humihinang kalusugan.
Si Bishop Antonio ang ikalimang obispo ng Ilagan na siya ring kasalukuyan apostolic administrator ng San Jose Occidental Mindoro dahil sa pagreretiro ni Bishop Antonio Palang.
Si Bishop Antonio ay tubong Ilocos Sur at naordinahang pari sa Nueva Segovia noong 1988 at itinalagang Obispo taong 2011.
Siya ang kahuli-hulihang naitalaga ni Pope Benedict the 16th nang magbitiw ito bilang Santo Papa noong 2013.
Si Bishop Antonio rin ang kasalukuyang Chairman ng CBCP Episcopal Commission on Vocations.
Ang diyosesis ng Ilagan, Isabela ay binubuo ng 55 mga pari at 39 na parokya.
Una ring itinalaga ng kanyang kabanalan Francisco bilang pansamantalang administrator ng Apostolic Vicariate of Calapan si Fr. Nestor Adalia, ang kasalukuyan Vicar general ng Calapan.
Ang kautusan ng Santo Papa ay isinapubliko noong Lunes, ika-13 ng Nobyemre.
Ang pagtatalaga kay Fr. Adalia ay bunsod na rin sa karamdaman ni Bishop Warlito Cajandig.
September 1 nang isugod sa pagamutan si Bishop Cajandig na sumailalim din sa ‘brain surgery’ sa Cardinal Santos Hospital sa Maynila.
Ang 74 na taong gulang na Obispo ay higit nang tatlong dekadang naglilingkod na obispo ng Apostolic Vicariate ng Calapan na itinalaga noong 1989.
Patuloy naman ang panawagan ng panalangin ng simbahan para sa mabilis na paggaling ni Bishop Cajandig.
Ang Apostolic Vicariate of Calapan ay binubuo ng higit sa walong daang libong mga katoliko na may dalawamput tatlong parokya na pinangangasiwaan ng limamput siyam na mga pari.
Apat pang obispo nasa edad na 75
Base sa Radio Veritas News and Research Team, may lima pang Obispo mula sa 86 na diyosesis sa buong bansa ang nasa 75 na taong gulang.
Kabilang na dito si Novaliches Bishop Antonio Tobias, 77; Pagadian Bishop Emmanuel Cabajar, 76; Tuguegarao Archbishop Sergio Utleg, 75 at Cagayan de Oro Archbishop Antonio Ledesma,75.
Nakasaad sa Canon law ang pagtatakda ng ‘mandatory retirement age 75’.
Sa kabila nito, nakadepende pa rin sa Santo Papa kung tatanggapin o palalawigin ang kanilang panunungkulan.